(Sisimulan na sa Oktubre) NORTH-SOUTH RAILWAY PROJECT SA METRO

LALARGA na sa Oktubre ang konstruksiyon ng 147-kilometer North-South Commuter Railway (NSCR) sa bahagi ng Metro Manila, ayon sa Philippine National Railways (PNR).

Sinabi ni PNR chair Michael Ted Macapagal na kabilang sa pre-construction work sa National Capital Region (NCR) ang pagbabakod, pag-aalis ng mga lumang riles, at pagresolba sa isyu ng right of way.

“Nilalagyan po ng fences iyong mga areas so that hindi na madadaan ng mga tao at hindi na puwedeng may titira doon or whatever. Isi-secure iyong mga areas,” ani Macapagal.

Kailangan din aniyang ilipat sa ibang lugar ang mga lumang riles, habang tinutugunan na ang clearing operations at mga isyu sa ROW.

Sa NCR, magkakaroon ng konstruksiyon ng elevated at at-grade tracks at mga istasyon mula Blumentritt, Manila hanggang Sucat, Parañaque City.

Ayon kay Macapagal, ang northern line ng NSCR ay 50% nang kumpleto at inaasahang matatapos ang proyekto sa 2027.

Matatandaan na pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng PNR noong Marso 28 para magbigay-daan sa konstruksiyon ng NSCR.

Ang kabuuang proyekto ay tatakbo mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna at pinondohan ng Japan International Cooperation Agency at Asian Development Bank.   

EVELYN GARCIA