BATANGAS-ISANG Norwegian tourist ang pinaghahanap ng mga awtoridad sa gitna ng dagat makaraang tangayin ng malalakas na alon habang naliligo kasama ng isa pa nitong kaibigan sa isang seaside resort sa Barangay Santa Ana, Calatagan sa lalawigang ito, Martes ng tanghali.
Sa report ng Calatagan police station, kinilala ang nawawala na si Gorgan Hagesater, 42-anyos at pansamantalang naninirahan sa Barangay, Santolan, Pasig City.
Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, dumayo umano si Hagesater kasama ang kaibigang si Christian Atle Hanser sa nasabing resort para maligo.
Sinabihan umano ng mga staff ng resort ang dalawang turista na ipagpaliban ng mga ito ang maligo sa dagat dahil sa malakas na hangin at malalaking alon subalit binalewala ito ng dalawang dayuhan.
Sa pahayag ni Hanser sa pulisya, isang dambuhalang alon ang tumama sa kanilang dalawa ni Hagesater at nakahawak lang umano siya sa life strap kaya hindi siya masyadong lumubog sa dagat. Hindi na rin umano niya nakita ang kaibigan nito.
Sinabi naman ng Calatagan Municipal Disaster Risk Reduction Management Office, umabot sa mahigit 30 metro ang taas ng alon nang maganap ang pagkawala ng Norwegian.
Nagsasagawa na ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard kasama ang Philippine Red Cross, MDRRMO, Barangay officials at mga volunteers para sa hanapin ang norwegian. ARMAN CAMBE