LAGUNA – MAKARAAN ang mahigit dalawang taon pagtatago sa batas, bumagsak sa kamay ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Highway Patrol Team (PHPT), RHPU4A at Calamba City Police ang Top 4 Most Wanted Person na itinuturong notoryus na karnaper ng motorsiklo sa Bgy. 148, Lungsod ng Pasay.
Base sa ulat ni Laguna PHPT Chief PCapt. Charlie Reyes kay Calabarzon Highway Patrol Group (HPG4A) Regional Director PCol. Samson Belmonte, kinilala ang suspek na si Vince Gotis Macam, 23-anyos, binata, tubong Poblacion 2, Calamba, City at pansamantalang naninirahan sa nasabing lugar.
Inaresto ang suspek dakong alas-3:15 ng hapon nitong Lunes bitbit ang dalawang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Calamba RTC Br 105 Presiding Judge Hon. Arturo V. Noblejas at RTC Br 36 Presiding Judge Hon. Glenda Mendoza Ramos dahil sa kinasasangkutan nitong kaso ng Carnapping na may inilaang piyansa na umaabot sa P300 libong piso bawa’t isa.
Modus ng suspek ang hihiramin nito ang motorsiklo ng kanyang mga kaibigan bago nito ibebenta sa halagang P10k na lingid sa may-ari bago magtago sa batas.
Lumilitaw sa talaan ng pulisya na naganap ang magkasunod na kaso sa lungsod ng Calamba noong nakaraang taon 2018 bago nagtago ito sa bayan ng Baliuag, Bulacan at sa La Loma, Quezon, City matapos maibenta ang dalawang motorsiklo.
Sa pamamagitan ng isinagawang Surveillance and Operation Manhunt Charlie ni Reyes, agarang natunton ng mga ito ang pinagtataguang safehouse ng suspek sa Pasay City. DICK GARAY
Comments are closed.