GINAWARAN ng pinakamataas na parangal (Papal awards) ng Vatican sa isang layko ang aktres na si Nova Villa o Novelita Gallegos sa tunay na buhay.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa na ang Papal award ay tatak ng paglilingkod sa simbahan ng isang layko na may kaakibat na malaking responsibilidad.
Sinabi naman ni Gallegos na ang pagnanais nitong maging bahagi sa larangan ng sining ay isang misyon na ibigay ng Diyos.
“Yung ambisyon kong mag-artista became a mission, lahat ng ginagawa ko sa showbiz ay may kaakibat na misyon,” pahayag ni Gallegos sa panayam ng Radio Veritas.
Hindi inaasahan ng aktres na sa mahigit limang dekada sa showbiz ay makatatanggap ito ng pagkilala mula sa simbahan o ang Pro Ecclesia et Pontifice sapagkat lahat ng ginawa nito ay buong pusong inialay sa Panginoon.
“Bukal sa puso ko yung anything na ginagawa ko for God; I’m happy to do it kahit mahirap,” anang aktres.
Binigyang diin naman ni Bishop Gaa na dapat pairalin ng komunidad ang pagtutulungan sapagkat ang pagkilala na tinanggap ni Gallegos ay para sa lahat na kapwa naglilingkod sa parokya.
Sinabi pa nitong ang mga papal awardees ay inaasahang maging saksi ng mabuting balita at magandang halimbawa sa pagiging mabuting Kristiyano.
Panawagan naman ni Gallegos sa mamamayan lalo na sa mga naglilingkod sa simbahan na ipagpatuloy ang pagiging mabuting lingkod ng Panginoon sa kabila ng pagiging bahagi ng iba’t-ibang larangan sa lipunan.
“I think, I am just an instrument of God’s grace to people; by being nice to people, giving smile at them, you’re giving them hope,” dagdag pa ni Gallegos.
Hunyo 2019 nang i-nominate ni Novaliches Bishop Emeritus Antonio Tobias si Gallegos para sa papal award bukod sa anim na iba pang indibidwal mula sa diyosesis. PAUL ROLDAN
Comments are closed.