SA IKALAWANG sunod na buwan ay bumilis ang inflation rate ng bansa noong Nobyembre, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa isang press conference, sinabi ni National Statistician at PSA chief Undersecretary Claire Dennis Mapa na ang inflation ay bumilis pa sa 2.5% noong nakaraang buwan.
Mas mabilis ito sa 2.3% inflation na naitala noong Oktubre.
Ang inflation rate noong nakaraang buwan ay nagdala sa year-to-date average inflation rate sa 3.2%, na pasok sa target ng pamahalaan na 2% hanggang 4% para sa buong 2024.
Ang inflation noong Nobyembre ay pasok din sa forecast range ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na 2.2% hanggang 3%, tinukoy ang pagtaas ng presyo ng gulay, isda, at karne dahil sa hindi kaaya-ayang weather conditions, mas mataas na singil sa koryente at presyo ng petrolyo, at sa paghina ng piso bilang pangunahing dahilan ng upward price pressures sa nasabing buwan.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na ang inflation rate noong nakaraang buwan ay naaayon sa pagtaya nito na ang inflation ay patuloy na lalapit sa low end ng target range.
“Ang pangunahing dahilan ng mas mataas na antas ng inflation nitong Nobyembre 2024 kesa noong Oktubre 2024 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-alcoholic Beverages sa antas na 3.4% [mula 2.9%],” sabi ni Mapa.
Aniya, ang index ng vegetables ay nagtala ng pagtaas na 5.9% mula sa pagbaba na 9.2% noong Oktubre dahil sa mga sunod-sunod na bagyo.
Gayundin ay tumaas ang inflation para sa isda at iba pang seafood sa 0.4% mula sa negative rate o pagbaba na 0.4% month-on-month.
Bahagya ring tumaas ang meat inflation sa 3.9% sa naturang buwan mula 3.6% noong Oktubre..
Ang food inflation, na sumusubaybay sa paggalaw ng presyo ng food items sa isang “basket” na karaniwang binibili ng isang pamilya, ay tumaas sa 3.5% mula 3% month-on-month.
Nag-ambag din sa pagtaas ng November inflation ang Transport index na may mas mabagal na pagbaba na 1.2% mula -2.1% noong Oktubre, kumakatawan sa 28.4% ng overall print, sa gitna ng mas mabagal na pagbaba sa presyo ng gasolina at diesel na nagposte ng inflation prints na -8% (mula -11.1) at -9.4% (mula -18.5%), ayon sa pagkakasunod.