NOY PINAKAKASUHAN NG OMBUDSMAN SA DAP

INIREKOMENDA ng Office of the Ombudsman na tuluyang kasuhan sina dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Budget Secretary Florencio Abad kaugnay ng kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).

Nakakita si Ombudsman Conchita Carpio Morales ng probable cause para kasuhan    ng  reklamong usurpation of legislative powers sa Article 239 ng Revised Penal Code sina Aquino at Abad.

Sa resolusyon na nilagdaan ng Ombudsman noong Hunyo 14, 2018, kinatigan nito ang  motion for reconsideration ng mga complainant na sina Carlos Isagani Zarate, Renato Reyes, Benjamin Valbuena, Dante LA Jimenez, Mae Paner, Antonio Flores, Gloria Arellano at Bonifacio Carmona, Jr. sa unang desis­yon ng Ombudsman na nag­aabsuwelto  kay Aquino.

Ang reklamo ay nag-ugat sa umano’y ilegal na paglilipat ng government savings  para gamitin sa naturang programa ng administrasyong Aquino.

Nakasaad sa resolusyon na sadyang pinakialaman nina Aquino at Abad ang kapangyarihan ng Kongreso nang palawigin nito ang depinisyon ng savings para pondohan ang mga programa at aktibidad sa ilalim ng DAP.