NOYNOY NO SHOW SA PRELIM SA DENGVAXIA

“NO  SHOW” si dating Pangulong Noynoy Aquino sa unang araw ng preliminary investigation sa reklamong inihain laban sa kanya ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at ng Vanguard of the Philippine Constitution, Inc. (VPCI) kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia.

Kinatawan lamang si Aquino ng kanyang abogadong si Atty. Mildred Umali upang tanggapin ang kopya ng mga reklamo.

Maging sina Dating Health Secretary Janet Garin at kasalukuyang DOH Secretary Francisco Duque ay hindi rin naman naka-dalo sa pagdinig, habang ang mga opisyal ng Zuellig Pharma ay nagpadala na lamang din ng legal counsel.

Nagawa namang makasipot ng ilan sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng DOH na respondent din sa reklamo.

Sa gitna ng pagdinig, ipinaliwanag naman ni Senior Assistant State Prosecutor Rossanne Balauag ang desis­yon ng panel of prosecutors na ituloy ang pagdinig sa kaso.

Ayon kay Balauag, dahil hindi lamang naman reklamong katiwalian ang inihain ng VACC at VCPI kundi may kasama ring mga paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code gaya ng technical malversation, criminal negligence at paglabag sa Procurement Law, ang kaso ay sakop ng hurisdiksyon ng DOJ.

Itinakda naman ng panel ang susunod na pagdinig sa Hunyo 4, ganap na 10:00 ng umaga para sa pagsusumite ng mga respond-ent ng counter affidavit.

Magpapalabas din ang panel ng panibagong subpoena para sa walong opisyal ng Sanofi Pasteur na respondent din sa reklamo at hindi nakadalo sa pagdinig ngayong araw at hindi rin nakapagpadala ng abogado.    ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.