KUNG hindi napatay sa engkuwentro, malamang ay isang kapaki-pakinabang na mamamayan si Alyas Apol sa kasalukuyan.
Ito ang kuwento ng ex-Kadre na si Ka Louie at dating Regional Youth ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong malapit na namang gunitain ng mga rebelde ang kanilang anibersaryo.
Naging propesor sa isang malaking unibersidad kung saan niya naging estudyante si Ka Apol, na napatay naman sa naganap na engkuwentro sa Tanay, Rizal.
Si Ka Louie ay tumagal ng walong taon sa kilusan na nagsimula noong taong 1980 hanggang 1990.
Naging hepe siya ng Regional Youth ng CPP sa National Capital Region bago nagdesisyong umalis sa kilusan upang tapusin ang pag-aaral hang-gang sa naging propesor.
Naging estudyante niya si Ka Apol na nalaman niyang kasapi ng kilusan.
Matalino si Ka Apol kung kaya lahat ng kanyang paghikayat sa bata na umalis na sa kilusan ay kanyang ginawa.
Dahil dito ay naging mabuti silang magkaibigan at naging malapit sa iba pang kasapi ng grupo sa eskuwelahan.
Hindi lamang kay Ka Apol nagkulang ng pagpayo si Ka Louie, kundi maging sa iba pang batang miyembro ng Communist Terrorist Group.
Isa na rito si Ka Czes. Parehong matalino sina Ka Apol at Ka Czes. Pareho rin silang miyembro ng Collective Unit. Si Apol ay Student Council Vice President habang si Czes naman ay Political Science Society president. Dumating sa punto na inalok ng kilusan ang dalawa na maging political officer ng NPA sa Rizal at mag-RI (Rural Integration).
Pero pinayuhan sila ni Ka Louie na tapusin nila ang kanilang pag-aaral at maghinay-hinay muna sa CTG, dahil alam ni Ka Louie na palubog na ang kilusan at papunta na sa pagiging gangsterismo.
Naniwala si Czes sa payo ni Ka Louie, tinapos niya ang kanyang pag-aaral at nagtapos ng may dangal. Pero si Ka Apol ay piniling mamundok.
Dahil din dito kaya nauwi sa sangkaterbang away at debate ang pagkakaibigan ng dalawa.
Ikinagalit ni Apol na pinili ni Czes na unahin ang pag-ahon sa kahirapan sa kanyang pamilya at pagpapaaral sa mga kapatid.
Sa kasalukuyan, si Czes ay isa nang head executive assistant ng isang magaling na senador at nag-aaral ng abogasya, samantalang si Apol ay itinu-loy ang kanyang buhay sa pagsapi sa teroristang grupo. Hanggang sa nabalita na lang na napatay si Apol sa isang madugong engkuwentro sa Tanay, Rizal sa pagitan ng NPA unit at private armies ng isang politiko.
Naging bahagi ng gawain ng unit ni Apol ang puwersahang pag-agaw sa mga lupain ng ilang haciendero at politiko sa nasabing lalawigan na naging dahilan ng paglikida sa kanya.
Nabatid na kinaladkad pa ang bangkay ni Apol sa plaza at ipinarada para ipakita sa mga magsasaka na hindi sila kayang proteksiyunan ng NPA.
Walang nagawa ang mga kasama ni Apol sa unit, hindi man lang nila naipagtanggol si Apol.
Sinasabing ibinaon ang bangkay ni Apol sa paanan ng bundok ng Sierra Madre sa bahagi ng Rizal.
Minsan ay muling nagtagpo sina Ka Louie at Czes at napag-usapan nila si Apol.
Anila, kung buhay si Apol, malamang ay isa itong top executive at malaki ang naiaambag sa Filipinas.
Kaya naman, pangako ng dalawa na kanilang gagawin ang lahat para wala nang Apol na maging biktima pa ng NPA.
Kasabay nito ang kanilang panawagan sa pamahalaan na sana ay sawatain na ang NPA para wala nang masirang buhay ang rebeldeng grupo at matapos na ang pagselebra ng mga ito ng kanilang anibersaryo.
Comments are closed.