AGUSAN DEL SUR – Isang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napaslang matapos makasagupa ang tropa ng 26th Infantry EVER ONWARD Battalion (26IB) sa bulubunduking bahagi ng Km. 27, Barangay Mahayahay, San Luis.
Naganap ang sagupaan sa pagitan ng mga elemento ng 26IB at ng teroristang New Peoples Army (NPA) mula sa Guerilla Front 88 (GF88) ng North Central Mindanao Regional Command (NCMRC) na pinamumunuan ni Alyas Trunks o Nap-nap (kinikilalang Gerondio Domino sa totoong pangalan) matapos magsagawa ng Focused Military Operation ang kasundaluhan sa nasabing lugar.
Ayon kay Lt. Col. Romeo Jimenea, Battalion Commander ng 26IB, tumagal ng halos 30 minuto ang sagupaan kung saan tumakas ang mga teroristang NPA at naiwan ang kanilang mga kagamitang pangdigma.
Nakuha ng tropa ang dalawang (2) M16A1 rifles, mga bala ng AK47 rifle at Cal. 22 revolver, isang (1) hand grenade, 35 piraso na blasting cap, tatlong (3) cellphones, 2 radio, mga medical paraphernalia, mga pagkain, mga personal na gamit at mga subersibong dokumento ng teroristang grupo.
Nakuha rin ng tropa ang may mahigit kumulang na 25 na tulugan ng mga NPA sa temporaryong kuta.
Ang bangkay ng napatay na NPA ay kinilalang si Alyas Kilyan, nasa 25-taong gulang, team leader at isang Giyang Pampulitika (Political Guide) ng Skwad 2, Sandatahang Yunit Pangpropaganda (SYP) Platun, na siyang nagsasagawa ng pag-recruit sa mga Lumad at kabataan sa nabanggit na lugar.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang pursuit operation sa lugar kung saan posibleng tumakbo ang teroristang grupo.
Mahigit-kumulang sa 500 metro ang layo ng nasabing temporaryong taguan ng mga terorista sa paaralang elementarya ng nasabing lugar, kaya’t nagpahayag din ng pagkatakot ang mga residente para sa kanilang kaligtasan at sa kapakanan ng kanilang mga anak sa paaralan.
“Matatapos na ang taon, at sa natitirang NPA, hindi pa huli para sumuko kayo at maisama sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program ng ating pamahalaan. Marami na sa inyo ang nakatanggap ng tulong at nagbagong buhay na, huwag n’yong pabayaang alipinin kayo habang-buhay ng kasinungalingan ng teroristang CPP- NPA,” dagdag ni Centino. VERLIN RUIZ