ALBAY – BULAGTA ang 45-anyos na kumander ng New People’s Army (NPA) at isa pang kadre makaraang makasagupa ang tropa ng Philippine Army sa bulubunduking sakop ng Barangay San Vicente sa bayan ng Lupi, Camarines Sur kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang dalawang rebelde na sina Kumander Roni “Ka Jake” Abellada Boncolmo ng Brgy. Patalunan sa bayan ng Ragay, miyembro ng ‘Komite Seksyon’ sa Platun 1 ng Komite Probinsiya 1, Bicol Regional Party Committe ng NPA at isang nakilala lamang sa alyas “Ka Oris” na sinasabing kanang kamay ni Ka Jake.
Base sa ulat ng Public Affairs Division ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, nagsasagawa ng intelligence operation ang pinagsanib na tropa ng 95th Military Intelligence Company, 9th Military Intelligence Batallion at ng 9th Infantry Brigade sa pangunguna ni 2Lt. Cesar Zaldivar nang makasagupa ang 15 rebelde sa nabanggit na kabundukan.
Kaagad na sumiklab ang putukan sa magkabilang panig na tumagal ng 30-minuto hanggang sa mapatay ang dalawang rebelde habang nagsitakas naman ang iba pang rebelde na kasalukuyang tinutugis ng militar.
Narekober sa encounter site ang anim na M-16 armalite rifle, isang 5.56mm M653 rifle, improvised anti-personnel mine, ilang gamit at mga subersibong dokumento. VERLIN RUIZ/MHAR BASCO
Comments are closed.