NPA LEADER MAY PATONG NA P2.5-M TIKLO SA METRO

ISANG high ranking leader ng Communist Party of the Philippines na may patong na P2.5 milyon ang nadakip nang masundan ng mga intelligence operatives ng Philippine National Police (PNP)- Police Regional Office (PRO) 6 sa Quezon City.

Sa isinumite report ni PNP-PRO 6 Director Brig General Leo Francisco kay PNP Chief General Rodolfo Azurin Jr, kinilala ang nadakip na ranking officer ng CPP-NPA-NDF na si Adora Faye De Veyra alias Boying/Ato/Vida.

“I am pleased to announce the capture of another ranking officer of the communist terrorist group operating in Western Visayas,” pahayag ni Gen. Azurin sa isang pulong balitaan.

Nabatid na si De Veyra na may kasong rebellion at may reward na inilaan para sa ikadarakip nito na nasakote sa Maalalahanin St., Teachers Village East , Quezon City nang masundan ito ng mga tauhan ni Francisco na nagsagawa ng law enforcement operation.

Si De Veyra ay sinasabing tumatayong staff officer ng general command ng CPP/NPA/NDF at secretary ng central front ng CPP-NPA regional committee sa Panay island.

Nahaharap si De Veyra sa kasong pagpatay at paggamit ng pampasabog at landmines sa Iloilo City Regional Trial Court Branch 22. VERLIN RUIZ