NPA LEADER SANGKOT SA PAGPATAY SA 5 PULIS, 3 PA TIMBOG

ALBAY-NADAKIP ng mga tauhan ng Philippine National Police-Police Regional Office 5 ang isang kilabot na communist terrorist group lider na sinasabing sangkot sa pananalakay at pagpatay sa limang pulis sa isinagawang law enforcement operation sa lalawigang ito.

Ayon kay PNP-PRO5 Director BGeneral Andre Dizon, nahuli sa inilatag na bitag ng Albay PNP ang suspek na si Reynaldo Togado Hugo, kilala sa mga alias na “Rcicielo, Yulo, Adel, Evan, Bermas, Aster, Julian, Pitoy, Alex, Bitoy,” 61- anyos .

Si Hugo ay sinasabing pinuno ng Communist Terrorist Group(CTG) na sangkot sa pag-atake sa isang Detachment ng Camarines Norte Police Provincial Office noong Marso 21, 2019 kung saan napatay ang limang pulis sa Labo, Camarines Norte.

Sa hawak na datos ni Albay Provincial Office Director Col. Julius Anoñuevo, si Hugo ay commanding officer ng Regional Operational Command Bicol Regional Party Committee at EXECOM Member ng National Operational Command ng Communist Party of the Philippines.

Sa ulat ni Anoñuevo kay BGen Dizon, sa tulong ng impormante at hawak na warrant ay ikinasa ang law enforcement operation laban sa suspek sa pamamagitan ng paglalatag ng checkpoint sa tapat ng Motorist Assistance Center sa Brgy. Matacon, Polangui.

Tinangka pang tumakas ng suspek subalit nasukol din ito sa Brgy. Balangibang, Polangui, sa Albay at kasamang nadakip ang tatlong iba pa na lulan ng Toyota Avanza (VFK-563) na kinilalang sina alyas Bryan, Jeane at Vanessa.

Nakumpiska sa sasakyan ng suspek ang isang loaded na M16, kalibre .45 baril loaded ng lima bala at isang fragmentation hand grenade.

Naging matagumpay ang naturang operasyon dahil na rin sa personal na pagtutok ni Añonuevo, katuwang ang mga operatiba ng PNP-CIDG Albay PFU, Polangui MPS, 1st PMFC, PIU Albay PPO, at 49th IB 9th ID, PA, katuwang rin ang RIU5-Albay PIT, RID5, MIG5 sa pakikipagtulungan ng ilang positibong impormante.

“Hugo faces multiple charges, including murder under CC No. 14552 dated August 23, 2019, with no bail recommended. He is also charged with direct assault and two counts of frustrated murder under CC Nos. 2021-4080 and 2021-4082 dated August 6, 2021, with a recommended bail of P200,000.00 for each case. Additionally, on the same day of his arrest, another warrant for five counts of direct assault with murder dated January 26, 2024, was served against him by personnel of CIDG Albay PFU.” ayon sa Kasurog Cops PIO Col. Malou Calubaquib.

Pinapurihan naman ni Dizon ang pinagsanib puwersa na nagsagawa ng operasyon na nakapagbigay hustisya sa limang “Dumagmang Fallen Heroes. “ VERLIN RUIZ