NPA LEADER TODAS SA ENGKUWENTRO

SAMAR – PATAY ang isang mataas na opisyal ng communist New People’s Army nang makasagupa ang elemento ng  46th Infantry Battalion ng  8th Infantry Division Philippine Army sa Catbalogan City sa lalawigang ito.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni Army Commanding General Lt. Gen Roy Galido, nasabat ng kanilang mga tauhan ang isang pulutong ng CPP-NPA sa Barangay Cawayan nitong nakalipas na Linggo na tumagal ng kulang kalahating oras bago nagpasyang tumakas ang mga kasapi ng CTGs at iwan na lamang ang napaslang na lider.

Kinilala ang napatay na NPA leader na si Artemio Solayao alias Budil, pinuno ng Squad 2, Yakal Platoon, SRC Browser ng  Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Si Solayao na nakuhanan pa ng kalibre 45 pistola ay may nakabinbing multiple warrants of arrest dahil sa mga karahasang inihasik nito kabilang ang pananambang sa14th Infantry Battalion sa Maypadandan, Catbalogan City, ayon kay BGen. Lenart R. Lelina, Brigade Commander ng 801st Infantry Brigade.

VERLIN RUIZ