NEGROS OCCIDENTAL – DINAKIP ang high ranking official ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (NPA) dahil sa walang suot na face mask nang dumaan ito sa isang medical and community quarantine checkpoint sa Cadiz City ng lalawigang ito.
Ayon kay Police Major Robert Mansueto, hepe ng Cadiz City Police Station, habang nagsasagawa ng border monitoring control ang medical at police frontliners sa lungsod bilang bahagi ng precautionary measures laban sa COVID-19 ay dumaan ang isang public utility vehicle mula sa Baco-lod at nang suriin ang mga pasahero ay pumalag ang suspek na si Gaspar Davao, 55-anyos dahil sa walang suot na facemask.
Nagmatigas si Davao at nang akmang may kukunin ito sa kanyang bag, agad na inagaw ito ng mga pulis at nakita ang isa fragmentation grenade, ilang mahahalagang dokumento, P14,000 cash, walong iba’t ibang unit ng cellphone at mga newsletter.
Ayon naman kay Col. Inocencio Pasaporte, commander ng 303rd Infantry Brigade,si Davao ay isang finance officer at secretary ng North Negros Front.
Nakakulong sa Cadiz City Police Station si Davao at nakatakdang sampahan ng kasong rebelyon at paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunitions Regulation. VERLIN RUIZ
Comments are closed.