NPA SUMUKO SA PULIS, MILITAR

BULACAN- BOLUNTARYONG sumuko ang aktibong miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Bulacan PNP kahapon ng tanghali sa Provincial Headquarters Camp General Alejo Santos sa Malolos City.

Sa report ni PNP Provincial Director Col Relly B Arnedo kay PNP Regional Director 3 BGen. Jose Hidalgo Jr., kinilala ang sumukong rebelde na si alyas Ka Arman, 52-anyos, construction worker na miyembro ng Rebolusyunaryong Hukbong Bayan.

Base sa inisyal na impormasyon, si Ka Arman ay kabilang sa mga NPA na umiikot at nag-ooperate sa baybayin ng Coastal Area ng Bulacan at Manila Bay.

Ayon naman sa tactical investigation ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army na nakabase sa probinsiya, nakumbinsi na magbalik-loob sa pamahalaan si Ka Arman dahil sa magagandang reporma ng pamahalaan at parehas na karapatan sa usapin ng Batas.

Tiniyak naman ni Lt. Col. Reyson M Bagain, Commander ng 1st Provincial Mobile Force Company na mananatili sa kanilang kostudiya si Ka Arman habang isinasaayos ang mga dokumento.

Kasunod nito, isinuko rin ni Ka Arman, ang cal.38 baril at 3 live ammo.

Samantala, sa ilalim NTF-ELCAC at E-CLIP matatanggap ng rebelde ang mga social services at hanapbuhay kasama ang kanyang pamilya.
THONY ARCENAL