NPA TODAS, SUNDALO SUGATAN SA SAGUPAAN

BATANGAS – ISANG miyembro ng communist New People’s Army terrorist group ang napatay nang makasagupa ang mga tauhan ng Army’s 2nd Infantry (Jungle Fighter) Division (2ID) sa Lobo sa lalawigang ito.

Sa ulat ng 2nd Infantry Division ng Phi­lippine Army, kinilala ang nasawing rebelde na si Rey Delos Santos, alyas Roy/Ren.

Ayon sa ipinarating na ulat sa tanggapan ni Army Commanding General Lt. gen Roy Galido, nagsasagawa ng routine security operation ang mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Philippine Army nang nakasagupa ng mga ito ang grupo ng mga rebelde sa Barangay Balibago kamakalawa.

Tumagal ng halos 20 minuto ang palitan ng putok hanggang sa umatras pabalik sa kabundukan ang mga rebelde at iniwan ang patay nilang kasamahan.

Dalawang matataas na kalibre ng baril at mga anti-personnel mines ang nakumpiska sa isinagawang clearing operation na ikinasugat din ng isang  sundalo.

“While the soldiers do not rejoice in the deaths of our fellow Filipinos, we have a solemn duty to uphold peace, protect our people, and enforce the rule of law,” pahayag ni Maj. Gen. Cerilo Balaoro Jr.

Muli nanawagan si Balaoro sa hanay ng nalalabing NPA terrorists na isalong na ang kanilang mga sandata at samantalahin ang alok na pagbabagong buhay ng gobyerno lalo na ngayong kapaskuhan.

VERLIN RUIZ