NPC, COMELEC LUMAGDA SA MOA PARA SA NATIONAL ELECTION SUMMIT

LUMAGDA kahapon ( Enero 6, 2022) ang Commission on Elections at National Press Club of the Philippines kasama ang ilan pang partners sa isang memorandum of agreement para sa pagsasagawa ng National Election Summit sa taong ito.

Isinagawa ang MOA signing sa Gusaling Emilio Ejercito Audio Visual Room, 2nd Floor ng Pamantasang Lungsod ng Maynila, Intramuros, Manila para sa kauna-unahang Election Summit na isasagawa sa Marso 2023 na may temang “Pagtutulungan sa Makabagong Halalan.”

Kabilang sa mga lumagda sina Comelec Commissioner Nelson J. Celis, commissioner-in-charge ng 2023 National Election Summit; NPC President Lydia B. Bueno, editor-in-chief ng Remate News Central at NPC Secretary Paul Gutierrez, ng People’s Journal.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, layunin ng 3 araw na summit na pagsama-samahin ang iba’t ibang stakeholders ng Philippine election system para sa serye ng dayalogo at konsultasyon sa buong bansa para matugunan ang mga pangunahing isyu, malaman ang mga oportunidad para sa makabuluhang reporma at mailatag ang mga estratehiya para sa malaya, maayos, tapat at credible na halalan sa bansa.

Kabilang sa magiging gampanin ng NPC sa naturang summit ang pagpapadala ng mga kalahok na magbibigay ng rekomendasyon ukol sa mga polisiya, plano at programa ukol sa “election administration and election enforcement and adjudication” sa pamamagitan ng Pre-Summit Session; pagbibigay ng konkretong rekomendasyon para sa digital transformation ng Comelec at election system; at pagsuporta sa roadmap ng Comelec.

Gayundin, maaaring mag-volunteer ang NPC para sa iba pang suportang kinakailangan para matiyak ang makabuluhang pagsasagawa ng Pre-Summit Sessions at Summit Proper.

Bukod sa NPC, lumagda rin sa MOA ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas sa pamumuno ni Chairman Herman Basbaño, president ng Bombo Radyo Phils.; Joint Media Policy Institute na kinatawan ni Joyce O. Palacol, JMPI executive vice president; at Chief Information Officers Forum sa pamumuno ni Clarito DL. Magsino.

Nagpasalamat naman si Commissioner Celis sa lahat ng partner ng Comelec mula sa civil society organizations, academe at private sector. BENE­DICT ABAYGAR JR.