NPC, KAMPI KAY CONG.ERWIN TULFO

Nagpahayag ang National Press Club (NPC) ng buong suporta sa panawagan ni ACT-CIS Partylist at House Deputy Majority leader Rep. Erwin Tulfo na humihikayat sa Senado na maghain ng panukala na huwag nang isama ang media sa mga testigo sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga, bilang bahagi ng inventory team. 

Sa isang pahayag, sinabi ni NPC President Leonel Abasola na napapanahon nang maamiyendahan ang naturang batas dahil na rin sa panganib na hatid nito sa  media personnels.

Bukod pa aniya rito ang dalang hassle nito sa kanila dahil sa pagdalo sa mga pagdinig.

“Napapanahon na po na maamiyendahan ito dahil na rin sa nalalagay sa panganib ang buhay ng media,” ayon kay Abasola.

Sinabi pa ng NPC president na tinalakay na ng NPC at iba pang stakeholders ang naturang isyu sa isang consultative meeting sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS).

Sa kanyang panig, nagpasalamat naman si Cong. Erwin sa NPC dahil sa kanilang suporta.

“Nagpapasalamat po ako sa NPC dahil suportado nila ang aking panawagan na huwag nang isama o gawing testigo ang mga mamamahayag sa operasyon ng droga dahil nanganganib po ang buhay ng mga dati kong kasama sa hanapbuhay,” ayon kay Cong. Erwin.

Matatandaang bagamat aprubado na ng Kamara ang pag-amiyenda sa Section 21 ng Republic Act 9165, wala pa namang naihahaing ganitong panukala ang Senado.