NPC NANGUNA SA 1ST NAT’L PRESS FREEDOM DAY

PINANGUNAHAN ng National Press Club of the Philippines, isa sa pinakamatatag at pinakamalaking organisayon ng mga aktibong mamamahayag sa bansa, ang kauna -unahang pagdiriwang ng National Press Freedom Day kahapon sa mismong bakuran ng NPC.

Sa makasaysayang araw na iyo sisimulan ang pagtatayo ng busto ng bayaning si Gat. Marcelo ‘Plaridel’ Hilario del Pilar sa bakuran ng NPC, Kalye Magallanes, Intramuros, Maynila, bilang simbolikong pagdakila sa buhay ng Ama ng Pamamahayag sa Pilipinas.

Kinatawan ng veteran broadcaster na si Rey Langit si Senador Robin Padilla, chairman ng Senate committee on public information and mass media, bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang na ito na may temang “Gat. Marcelo H. del Pilar: Dangal ng bansa, Inspirasyon ng Mamamayan.”

Magugunitang nito lamang Abril 13, ganap nang naging batas ang Republic Act 11699 matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Batay rito, itinatakda ang ika-30 ng Agosto sa bawat taon bilang Pambansang Araw ng Malayang Pamamahayag, kasabay ng paggunita sa kapanganakan ni Gat. Del Pilar.

Malugod at may pagkukumbabang ipinababatid sa lahat na ang NPC ang isa sa mga nagsulong sa Kamara at Senado sa nakaraang mahigit pitong taon upang ito ay maging ganap na batas.

Batay sa probisyon ng RA 11699 at simula ngayong taon, gagawa ng mga naaayong programa ang lahat ng ahensya ng gobyerno sa nasabing araw sa lahat ng panig ng bansa upang maibahagi sa mga kababayan, partikular sa hanay ng kabataan at kapwa-mamamahayag, ang mga nakalap na aral sa buhay ni Gat. Plaridel, higit sa lahat ang kanyang pagtataguyod sa responsable at makabayang pamamahayag.

Lubhang mahalaga ang pagkakadeklara ng araw na ito para sa mga mamamahayag dahil binigyan ng pagkilala ng pamahalaan ang matagal nang laban para sa tunay na kalayaan sa pamamahayag sa bansa.

Ang araw na ito ay pagpapaalala sa bawat mamamahayag na maging ehemplo ang pamana ni Gat. Del Pilar bilang isang responsable at makabayang mamamahayag na dangal ng bansa.

Inaalay rin ang araw na ito sa lahat ng mga nakipaglaban para sa kalayaan sa pamamahayag lalo na sa mga naging biktima ng karahasan at pamamaslang sa pagtupad ng kanilang tungkulin bilang alagad ng media.

Katuwang ng NPC sa pagdiriwang ang Presidential Task Force on Media Security sa pangunguna ni Usec. Joel Sy Egco, Office of the President, Office of the Vice President, Department of Education, Commission on Higher Education, Komisyon sa Wikang Filipino, Technical Education, Skills and Development Authority, Manila City Mayor’s Office na kinatawan ni Chief of Staff Jojo Santiago t iba’t ibang samahan ng mga mamamahayag sa bansa. BENEDICTO ABAYGAR, JR.