NAGTAKDA ang Philippine Sports Commission (PSC) ng serye ng budget hearings sa national sports association simula sa Martes sa susunod na linggo upang isapinal ang kanilang budget para sa 2020.
“The PSC, as mandated by law, is here to support each of our NSAs. With the assistance coming from the President and PAGCOR, we want to know their budget proposals and programs and see where we are headed,” wika ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez.
Pagtutuunan ng pansin ng PSC ang NSAs na may Olympic-bound athletes o potential Olympic qualifiers sa harap ng seryosong kampanya ng pamahalaan na makopo ang mailap na Olympic gold.
Bukod sa taunang budget, tatalakayin din ang priority programs at major international events ng bawat NSA, gayundin ang kanilang grassroots sports programs, updates sa kanilang International Federation (IF) at Philippine Olympic Committee (POC) accreditation, at profile ng kanilang mga atleta.
Pangungunahan ng bawat commissioner ang pagdinig para sa kani-kanilang sports na pinangangasiwaan. Ang gymnastics at athletics, na mayroon nang Olympic qualifiers sa katauhan nina Caloy Yulo at EJ Obiena, ay nakatakda sa Pebrero 6 at 12, ayon sa pagkakasunod.
Noong nakaraang taon ay inaprubahan ng PSC ang P600 million total budget para sa NSAs subalit nalagpasan ito ng mahigit sa 100% dahil sa hosting ng bansa sa 30th Southeast Asian Games at sa nagkakaisang layunin na masikwat ang overall crown.
Comments are closed.