NAKAHANDA ang National Telecommunications Commission (NTC) na legal na makipagtagisan sa News and Entertainment Network Corp. (Newsnet) hanggang Supreme Court (SC) matapos ipagpilitan ng Court Appeals (CA) ang pagpapatupad ng isang nabaligtad nang desisyon ng Anti-Red Tape Authority (ARTA).
Ang Newsnet ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Mel Velarde.
Sa isang pahayag matapos tanggihan ng CA ang motion for reconsideration (MR) ng NTC, inihayag ng Komisyon na hindi pa pinal ang desisyon ng CA at iaakyat nito ang kaso sa kataas-taasang hukuman.
Naninindigan ang NTC na hindi dapat na ipatupad pa ang mandamus dahil binawi naman din ng ARTA ang una nitong desisyon na may petsang Pebrero 12, 2020 kung saan inaatasan nito ang regulatory body na aprubahan ang aplikasyon ng Newsnet na mag-install, mag-operate, at mag-maintain sa bansa ng isang local multi-point distribution system (LMDS).
Ang LMDS ay ginagamit para makapaghatid ng interactive pay television at iba pang multimedia services.
Iniatras mismo ng ARTA noong Hunyo 17, 2022 ang nauna nitong desisyon na pumapabor sa Newsnet, isang bagay na diniinan pa ng Palasyo kinalaunan.
“Iniurong na ng ARTA ang nauna nitong desisyon kung kaya wala nang masasabing ‘ARTA Decision’ na ima-mandamus pa,” anang NTC.
Matatandaan na noong nakaraang buwan ay tuluyan nang ibinasura ng Office of the President (OP) ang apela ng Newsnet para magkaroon ito ng LMDS.
Sa desisyon na pirmado ni Executive Secretary Lucas P. Bersamin sa ngalan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., “moot and academic” na ang apela ng Newsnet dahil nag-expire na rin ang legislative franchise ng korporasyon kung kaya’t diskuwalipikado na ito na makapag-operate ng mga radio transmitters at receivers, kabilang ang LMDS, at mabigyan ng kahit na anong radio frequency.
Binaril din ng OP ang pahayag ng Newsnet na hindi raw maaaring talikuran ng ARTA sa batas ang kautusan nito noong Pebrero 2020. Ayon sa Malacañang, humatol na rito ang Department of Justice (DOJ) noon kung saan sinasabi ng kagawaran na nagmalabis sa kapangyarihan ang ARTA nang paboran nito ang reklamo ng Newsnet at mag-utos sa NTC na magbigay ng radio frequency.
Nag-opinyon ang DOJ na walang katuturan at hindi magkakabisa kailanman ang nasabing kautusan dahil “null and void” ito mula sa simula dahil wala naman ito sa hurisdiksyon ng ARTA.