TATLONG buwan pa bago matapos ang 2022, pero nalagpasan na ng National Telecommunications Commission (NTC) ang kanilang 2022 collection target ng mahigit P1.05 billion o 18.71 percent.
Itinakda ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang target collection ng komisyon ngayong taon sa P5.58 billion, subalit hanggang Setyembre 27, ang kanilang actual collection ay pumalo na sa P6.63 billion.
Sinabi ni NTC Commissioner Gamaliel A. Cordoba na, “The NTC’s systematic collection effort is the Agency’s modest way of contributing to the public service programs of our dear President Ferdinand R. Marcos, Jr. – priorities of which are on food security, free and universal primary education, and public health.”
Kinilala rin ni Cordoba ang kontribusyon ng mga empleyado ng ahensiya at hinimok ang mga ito na ibigay ang final push sa paglikha ng mas mataas na income bago matapos ang taon. Pinasalamatan din ng komisyoner si Secretary Ivan John Uy at ang buong DICT sa suportang ibinibigay sa NTC.
Ang tagumpay ng NTC ay bunga ng pagsisikap ng kanilang personnel na istriktong ipatupad ang pagtalima ng stakeholders sa pagre-remit ng spectrum users’ fees, supervision at regulation fees at penalties. Ang NTC ay ang ahensiya ng pamahalaan na nagre-regulate sa cable at commercial television operators, broadcast radio stations, telecommunications companies at commercial at portable radio operators.