NAGPALABAS kahapon ang National Telecommunications Commission (NTC) ng dalawang cease and desist orders na nagpapatigil sa digital broadcast ng ABS-CBN sa TVPlus sa Metro Manila at sa satellite broadcast ng SKY sa buong bansa.
Ang ABS-CBN ay inatasan na itigil ang pag-operate sa digital TV transmission nito sa Metro Manila gamit ang Channel 43 (644-650 mhz), na makaaapekto sa mga programa na ipinalalabas sa TVPlus channels nito na Cine MO!, Yey!, TeleRadyo, at pay-per-view channel KBO.
Ayon sa NTC, kasama ito sa listahan ng radio at TV stations na ipinatigil nito sa kanilang May 5 CDO laban sa ABS-CBN makaraang mapaso ang broadcast franchise ng giant network noong Mayo 4.
Sa isa pang CDO, inatasan ng NTC ang cable company ng ABS-CBN, ang Sky Cable Corp., na agad itigil ang iSKY direct-to-home satellite transmission nito, na makaaapekto sa mga kabahayan na may SKY Direct satellite dishes.
“Sky Cable should immediately cease and desist operating its Direct Broadcast Satellite Service” or DBS service using radio frequencies 14421-14457 MHz and 12673-12709MHz,” ayon sa NTC.
Ang Sky Cable ay may Transponder Lease Agreement sa New Skies Satellites B.V. para sa lease ng satellite capacity sa Sky Cable para sa operasyon ng DBS service nito.
Sinabi ng NTC na nagbigay ito ng provisional authority sa Sky Cable Corp. para mag-operate at panatilihin ang DBS service mula 2015 hanggang 2021, ngunit binigyang-diin na ang prangkisa ng Sky Cable Corp ay napaso na noong Mayo 4.
Ang Sky Cable Corp. ay inatasan ng NTC “to show cause why frequencies assigned to it shall not be recalled for lack of necessary congressional franchise to operate, and to “refund its subscribers amounts representing unconsumed prepaid loads, deposits on equipment and devices, deposit or advance payment for postpaid subscribers, charges collected from new applicants.”
Sa pagdinig ng Kamara sa franchise application ng kompanya noong Lunes ay umapela si ABS-CBN President and CEO Carlo Katigbak para sa ‘fairness’ mula sa Kongreso, at sinabing pinayagan ng mga mambabatas noon ang ibang media companies na magpatuloy sa operasyon habang nakabimbin ang kanilang aplikasyon para sa bagong prangkisa.
“Ang appeal po namin sa Kongreso (our appeal to Congress) is in the spirit of fairness, please consider that you have allowed other companies to operate before even after their franchises had expired for so long as Congress continues to hear their application for renewal,” ani Katigbak.
Comments are closed.