SUPORTADO ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga pagsisikap na mabigyan ng sapat na budget ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), sa pagsasabing ang papel nito tungo sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran ay dapat na mapanatili at ipagpatuloy pa.
Hinimok din ni Go, na miyembro ng bicameral conference committee para sa 2022 General Appropriations bill, ang mga mambabatas na tiyakin na ang Task Force ay magkakaroon ng mga kinakailangang resources upang ipagpatuloy ang kanilang mga development assistance programs sa mga lugar na apektado ng kaguluhan.
“Being one of the members of bicam ay isinulong ko na maibalik o madagdagan ang pondo ng NTF-ELCAC dahil naging successful naman ito. Not only to fight insurgency but (to bring) development doon mismo sa baba,” ani Go, sa isang panayam nang bumisita sa mga nasunugan sa Maynila kamakailan.
Nauna rito, noong nakaraang buwan, kumilos ang Senado na bawasan ang badyet ng NTF-ELCAC.
Bilang Pangalawang Tagapangulo ng Senate Committee on Finance, binigyang-diin ni Go ang pangangailangan na bigyang-daan ang naturang body na patuloy na maisagawa ang kanilang mandato at maipatupad ng epektibo ang mga programa at proyekto nito.
Ipinagtanggol niya ang pangangailangan para sa isang whole-of-government approach para mawakasan na ang insurgency na, na ayon kay Go, ay pinalakas ng mga dekada ng kapabayaan ng gobyerno, kawalan ng hustisya sa lipunan at kahirapan.
“Iyong mga napapabayaang hindi napapansin na barangay, doon nagkakaroon ng insurgency. Kasi ang pakiramdam ng mga barangay na ‘to, they were neglected, walang pumapansin sa kanila (kaya) napapasok ng Left. So, bigyan natin ng insentibo ang mga ito,” paliwanag ni Go.
“Aside from incentives (dapat din) ma-develop naman ‘yung barangay. Napakalaking bagay ‘yon. ‘Yun iba walang halos kalye, walang development … para magsumikap sila and, at the same time, mabigyan ng panibagong buhay ‘yung gustong magbagong buhay,” dagdag pa niya.
Binanggit ng senador ang maraming tagumpay ng Task Force sa pagpapalapit ng kaunlaran sa mga tao.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng muling maihalubilo ang mga dating rebelde sa lipunan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng paraan upang mabuhay at madaig ang kahirapan.
“Pare-parehas naman tayong Pilipino. Ibig sabihin, bigyan natin ng pagkakataon na magbagong buhay ‘yung sinong gustong magbagong buhay. Iyong iba pagod na ‘yan sa bundok, ‘di nga nasusulyapan ang itsura ng siyudad,” giit ni Go, bago muling idiin ang kagyat na pangangailangang wakasan ang mga dekada ng armadong labanan.
“Noon pa man, my stand ay hindi talaga nagbago. Ayaw ko ng nagpapatayan ang Pilipino kapwa Pilipino. Masakit sa akin. Ilang beses na kaming umakyat ni Pangulong (Rodrigo) Duterte diyan. ‘Pag may namatay na sundalo ang sakit ng dibdib namin. ‘Pag mayroong namatay na rebelde, kawawa rin ‘yung pamilya. Sino bang Pilipino ang gustong makipagpatayan sa kapwa Pilipino?” aniya pa.
Noong 2018, nilagdaan ni Pangulong Duterte ang Executive Order No. 70 na nag-institutionalize ng whole-of-nation approach para makamit ang inclusive at sustainable na kapayapaan. Ang naturang EO ay nag-utos din sa pagpapatibay ng isang National Peace Framework upang matiyak ang harmonized at synchronized na paghahatid ng mga serbisyo sa mga conflict-affected at vulnerable areas, gayundin sa pagbuo ng NTF-ELCAC.