NU, ADAMSON SA ASIABASKET INT’L CHAMPIONSHIP SEMIS

DINISPATSA ng National University at Adamson University ang kani-kanilang katunggali upang umabante sa semifinals ng 2024 ANTA Asiabasket International Championship Linggo ng gabi sa Enderun Colleges sa Taguig City.

Tumapos si Jolo Manansala na may 16 points, 3 rebounds, 2 assists at 2 steals, habang nagdagdag si Mohammed Diassana ng  14 points at 4 rebounds para sa Bulldogs na dinurog ang reigning NCAA champion San Beda University Red Lions, 83-63, upang manatiling walang talo sa limang laro.

Napanatili rin ng Adamson ang kanilang perfect record makaraang gapiin ang Phenom Blue Fire, 105-80, sa quarterfinal.

Umiskor si AJ Fransman para sa Falcons ng 18 points, 7 rebounds, 3 assists, at 1 steal, habang nag-ambag si Cedrick Manzano ng 15 points at 7 rebounds.

Makakasagupa ng NU ang  FEU, nagwagi laban sa National Formosa University-Taiwan, 94-89.

Nanguna si rookie Veejay Pre para sa Tamaraws na may 26 points, 13 rebounds, 7  assists, 2 steals, at 1 block. Nag-ambag si Janrey Pasaol ng 17 points, 7  rebounds, 2  steals at 2  blocks.

Makakabangga naman ng Adamson ang College of Saint Benilde, na sinibak ang  Mapua University, 90-63.

Nagtala sina Matthew Oli at Jesse Arciaga ng pinagsamang  23 points para sa  Blazers, na nakakuha rin ng tig-9  points mula kina  Paul Turco at Roger Ondoa.