SUMANDAL ang National University kay Van Alexander Obejas upang hubaran ng korona ang defending two-time men’s champion University of the Philippines para sa kanilang unang titulo habang bumawi ang La Salle sa pagkabigo noong nakaraang season sa pamamagitan ng breakthrough women’s title sa pagtatapos ng UAAP athletics championships noong Linggo ng gabi sa Philsports Oval.
Tumapos ang Bulldogs na may 312.5 points upang maungusan ang Fighting Maroons ng 10.5 points.
“Sabi ko sa mga bata, ‘Let’s pray for the best and let’s do our best para makuha natin.’ This is our golden opportunity kumbaga, huwag na nating sayangin,” sabi ni coach Fernando Dagasdas sa kanyang tropa bago ang huling araw ng kumpetisyon kung saan naghahabol ang NU ng 4.5 points.
“Malaking bagay ito para sa programa namin at sana magtuloy-tuloy ito,” dagdag pa niya.
Kinumpleto ng Far Eastern University ang podium na may 221 points.
Kinuha ni Obejas, 22-year-old native ng Tacloban City, ang dalawang krusyal na events upang ibigay sa Bulldogs ang unang korona nito.
Nakopo ni Obejas ang 110-meter hurdles title na may 14.55 seconds, sa unahan nina University of the East’s Edgie Garbin, na may 14.70 seconds, at FEU’s Joseph Antiola III, na may 14.84.
Ang kanyang ikalawang gold ay nakuha laban sa back-to-back MVP Alhryan Labita-led UP sa 4×400-meter relay.
Samantala, nasungkit ng Lady Green Tracksters ang korona na may 301 points laban sa Lady Tamaraws (268) at University of Santo Tomas (235).
“First-ever title, first-ever. Speechless ako eh, but I’m so happy,” wika ni La Salle coach Jeoffrey Chua. “Sabi ko lang sa kanila, ‘Stay motivated.’” Pinangunahan ni women’s MVP Bernalyn Bejoy ang kampanya ng Taft-based tracksters na may 4 gold medals para sa season, kabilang ang final day’s highlight event na 4×400-meter relay.