NU-STA. ELENA SA SPIKERS’ TURF SEMIS

Standings W L
NU-Sta. Elena 4 0
Cignal 3 0
PGJC-Navy 2 1
VNS 2 2
Ateneo 1 3
Santa Rosa 1 3
Army 0 4

Mga laro bukas:
(Paco Arena)
2:30 p.m. – Army vs Santa Rosa
5:30 p.m. – Cignal vs Navy

NALUSUTAN ng NU-Sta. Elena ang matikas na pakikihamok ng VNS-One Alicia sa extended first set upang itarak ang 33-31, 25-17, 25-18 panalo at kunin ang unang semifinals berth sa Spikers’ Turf Open Conference kahapon sa Paco Arena.

Naghabol ang Nationals sa opening set sa 11-16 at hinayaan ang Griffins na umabot sa set point bago namayani at kunin ang kalamangan.

“Maganda ‘yung resulta, nanalo kami but ‘yung first set talagang medyo nangangapa kami. Although ‘yung last part ng first set, nakuha namin ‘yung dapat naming gawin. ‘Yung sistema namin, nakuha namin kaya’t tuloy-tuloy na ang ganda ng laro namin,” wika ni coach Dante Alinsunurin makaraang manatiling walang talo ang NU-Sta. Elena sa apat na laro.

Nanalasa si Mike Buddin sa second at third upang tulungan ang Nationals na tapusin ang one-hour 34-minute contest.

Naging starter para sa ikalawang sunod na laro, nagpamalas si Buddin ng solid all-around game, kung saan humataw ang produkto ng NU-Nazareth ng 15 points, kabilang ang 3 blocks at 2 service aces, at 12 receptions.

“Nagkaroon ako ng kumpiyansa sa sarili ko and mas nag-boost ‘yung tiwala sa sarili and sa tiwala ng coaches mas ibinigay nila ‘yung tiwala nila sa akin na i-first six ako ulit. Ayoko ko silang ma-disappoint po sa tiwala na ibinibigay sa akin kaya gagawin ko ang best ko na ipakita na i-first ako na hindi sila madi-disappoint po,” ani Buddin.

Nanguna si Kenry Malinis, isang transferee mula sa University of Perpetual Help System Dalta, para sa NU-Sta. Elena na may 16 kills, habang gumawa si setter Josh Retamar ng 17 excellent sets at kumana ng 2 aces.

Masaya si Alinsunurin sa nilalaro ng Nationals dahil ang torneo ay ginagamit din ng NU bilang bahagi ng paghahanda nito sa UAAP Season 85.

“Kailangan kailangan talaga namin ang maraming laro para sa din team. Yun naman ang unang una kong priority, yung mas marami kaming laro para sa kompetisyon na ito,” sabi ni Alinsunurin.

“Kung papalarin na makalaro sa championship, sige. Subukan namin kung paano,” dagdag pa niya.