NUCLEAR BOMB UMULIT SA PHILRACOM TRIPLE CROWN

SUMAMBULAT ulit ang lakas ng Nuclear Bomb sa gitna ng pakikihamok laban sa matitikas na karibal at nagawang magapi ang Kaparkan Falls sa gitgitang duwelo para makamit ang ikalawang korona sa Philippine Triple Crown series nitong Linggo sa  Metro Manila Turf Club sa Malvar, Batangas.

Hindi nagpahuli ang Nuclear Bomb – mula sa lahi ng Oh Oh Seven at Hayley Rebecca – sa huling 100 metro para maungusan ang  Kaparkan Falls at mailapit ang pangalan sa kasaysayan sa prestihiyosong torneo.

Nailista ng Nuclear Bomb, sakay si apprentice jockey Pabs Cabalejo, ang half-length victory sa impresibong tiyempo na 1:51(13-22’-23’-24’-27’) sa kabuuang 1,800-meter. Naiuwi ng kampeon ang P2.1 milyon premyo at tropeo na dinisenyo ng pamosong sculptor na si Ramon Orlina, habang nakamit ng Kaparkan Falls ang runner-up prize na P700,000.

Kabilang sa top 6 ang late-charging Kevlar (P350k), Gusto Mucho (P175k), War Cannon (P105k) at Hook On D Run (P70k).

Sa undercard, nagwagi ang Rancho Sta. Rosa sa Hopeful Stakes  sa tiyempong 1:51.8 (13’-22-23’-23’-29) para sa premyong P900k kasunod ang Liquid Gold (P300k) at  Superformer (P150k).

Target ng Nuclear Bom na mapabilang sa listahan ng Triple Crown champion sa paglarga ng ikatlong leg ng serye sa October 3 sa Philippine Racing Club sa Naic, Cavite at may distansiyang 2000-meters. EDWIN ROLLON

4 thoughts on “NUCLEAR BOMB UMULIT SA PHILRACOM TRIPLE CROWN”

Comments are closed.