NUEVA ECIJA SOSYO SA LIDERATO SA POOL C NG MPBL

PATULOY ang masaganang anihan sa panalo ng Nueva Ecija nang ipagpag ang Val City-MJAS Zenith sa dominanteng 100-77 desisyon para sa ikalawang sunod na panalo sa Chooks-to-Go Maharlika Pilipinas Basketball League Invitational group elimination nitong Huwebes sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Impresibo ang 23 puntos na panalo ng Rice Vanguards na nakisosyo sa San Juan-Go for Gold AICC sa liderato sa Pool C sa parehong 2-0 marka.

Nailatag ng Rice Vanguards ang 45-29 bentahe bago tuluyang umabante sa pinakamalaking 41 puntos na kalamangan, 83-42, tampok ang layup ni Will Gozum, may 8:36 ang nalalabi sa laro.

Nagsalansan sina Gozum at Bitoon ng tig- 16 puntos para sa balanseng atake ng Rice Vanguards. Tumipa sina Renz Palma at Bryron Villarias ng tig-14 puntos at kumana si Roi Sumang ng 10 puntos.

“I think the guys they’re knowledgeable enough about the game,” pahayag ni Nueva Ecija head coach Carlo Tan. “They know that the last game could’ve been played better so I think they were determined to play better today so the credit goes to them.

“Whenever a win like this happens it’s not the coaching. It’s players coming to play and seeing it through like playing for 40 minutes,” aniya.

Kumasa si Paolo Cabuhag para sa Val City sa natipang game-high 28 points, habang nag-ambag si Dave Moralde ng 10 puntos, apat na assists, at apat na rebounds.

Tabla ang Val City at Sarangani sa 1-2 kartada, habang laglag ang Muntinlupa sa 0-2.

Nakataya ang solong liderato sa pagtutuos ng Nueva Ecija at San Juan sa Linggo sa alas-6:30 ng gabi, habang mapapalaban ang Val City sa Sarangani sa Sabado, alas-7:30 ng gabi.

Sa resulta nitong Miyerkoles, nagwagi ang Pasig-Sta. Lucia sa Bacoor, 76-67, para sa ikalawang sunod na panalo; Nanaig ang Manila, sa pangunguna ni Carlo Lastimosa na may 15 puntos, sa Gen San, 75-65; at nanaig ang Iloilo sa All-Star Bacolod, 85-62.  EDWIN ROLLON

Iskor:

Nueva Ecija (100) – Bitoon 16, Gozum 16, Palma 14, Villarias 14, Sumang 10, Mabulac 10, Gutang 9, Dario 5, Sarao 4, Belgica 2, Balucanag 0.

Valenzuela (77) – Cabahug 28, Moralde 10, Darang 8, Villafranca 7, Ugsang 7, Mojica 6, Elmejrab 4, Armenion 4, Delator 2, Bauzon 1, Roncal 0, Cachuela 0.

QS: 21-14, 45-29, 77-42, 100-77..