NAKAMIT ng isang iskolar mula sa Nueva Vizcaya ang top 1 spot sa kalalabas na resulta ng Geodetic Engineering board examination na inilabas nitong Oktubre 28.
Nakuha ni Hannah Mae Guimbongan, 22 anyos ang 87.60 percent ratings at nakuha ang top position mula sa 1, 343 examinees sa buong bansa.
Nag-tie sa pwesto sina Hannah Mae na mula sa Nueva Vizcaya State University Bayombong Campus at Vincent Ray Tojong Pascua ng University of Southern Philippines-Davao City.
Tubong Baracbac, Santa Fe Nueva Vizcaya si Hannah Mae at ayon sa kanya, hindi man Geodetic Engineering ang unang kursong pinili niya, napamahal na rin ito kalaunan at hindi na lumipat sa kursong Civil Engineering na una niya sanang gusto.
Nagtapos ito bilang Cum Laude sa kanyang kurso.
“I want to help the community to solve land-related problems, ngayon kasi laganap ang land dispute yun ang gusto kong i-solve ngayon,” saad ni Guimbongan.
Hindi rin umano akalain ni Hannah Mae na makakapasa siya sa tindi ng hirap ng mga tanong sa exam.
“Sobrang hirap, first day pa lang law na ang subject at unexpected ang questions then Math, I think I did my best naman pero sa bandang hapon lalong nawalan ako ng pag-asa at sa second day, nawalan na ako ng pag-asang makapasa pa,” dagdag ni Hannah.
Malaking pressure rin umano sa kanya na siya ay isang Cum Laude lalo na sa kanyang mga magulang kung kaya’t laking gulat umano niya nang makita ang pangalan sa taas ng listahan ng mga nakapasa.
Pinasalamatan din nito ang provincial government ng Nueva Vizcaya sa pagkakaloob ng “Sagot Scholarship” para sa mga piling estudyante na susuportahan hanggang sa kanilang pagtatapos.
“Maraming salamat po kay dating Gov. Carlos Padilla at ipinatupad po niya ito kasi di kakayanin ng aking magulang na pag-aralin po ako pag wala ang scholarship na ito,” saad ni Hannah. Hindi na umano nakakapagtrabaho ang kanyang ama na person with disability at maliit na sari-sari store ang pinagkakakitaan ng kanyang ina.
Lubos naman ang galak ng Presidente ng Nueva Vizcaya State University na si Dr. Wilfredo Dumale Jr. Aniya, patunay ito sa husay ng mga propesor ng NVSU lalo na sa Geodetic Engineering.
RUBEN FUENTES