NUEZCA SIBAK NA SA SERBISYO

SIBAK na sa serbisyo si Police Staff Sgt. Jonel Nuezca na bumaril sa mag-ina sa Paniqui, Tarlac.
Inanunsiyo kahapon ni PNP Chief Gen. Debold Sinas ang dismissal order ni Nuezca.

Ani Sinas, ang pagkasibak sa serbisyo ni Nuezca ay base sa rekomendasyon ng PNP Internal Affairs Service dahil kasong administratibo na may 2 counts of grave misconduct at 2 counts of conduct unbecoming of a police officer.

“I would like to announce the administrative case of S/Sgt. Jonnel Nuezca is already resolved. Subject PNCO was charged with 2 counts of grave misconduct and 2 counts of conduct unbecoming of a police officer and he is meted the severest administrative penalty of dismissal from the police service effective today,” pahayag ni Sinas.

Magugunitang nag-ugat ang pagsibak kay Nuezca nang barilin nito ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio noong Disyembre 20, 2020 na nakunan ng video at nag-viral sa social media.

Bukod sa administratibong kaso, nahaharap din sa kasong kriminal na double murder sa Paniqui, Tarlac Regional Trial Court Branch 67 si Nuezca.

Ayon kay PRO 3 Regional Director PBgen. Val Deleon, nabasahan na ng sakdal si Nuezca sa korte kung saan naghain ito ng “not guilty plea”.

Sa Pebrero 4 ang susunod na pagdinig sa kaso ni Nuezca sa korte. EUNICE CELARIO

Comments are closed.