NUGGETS 2-0 NA;76ERS NAKAUNA SA CELTICS

Nikola Jokic

UMISKOR si Nikola Jokic ng 39 points at kumalawit ng 16 rebounds upang pangunahan ang host Denver Nuggets sa 97-87 panalo laban sa Phoenix Suns at kunin ang 2-0 lead sa Western Conference semifinals.

Nagdagdag si Aaron Gordon ng 16 points, at tumabo si Kentavious Caldwell-Pope ng 14 points at ibinuslo ang lahat ng apat ng kanyang 3-point attempts para sa Nuggets, na nalimitahan ang Phoenix sa 14 points sa fourth quarter. Tumipa si Jamal Murray ng 10 points at nagbigay ng 8 assists.

Kumubra si Devin Booker ng 35 points, nagposte si Kevin Durant ng 24 points at nagdagdag si Deandre Ayton ng 14 para sa Suns, na nawala si Chris Paul dahil sa left groin tightness sa third quarter. Nagtala si Paul ng 8 points at 6 assists sa loob ng 25 minuto.

Nakatakda ang Game 3 sa best-of-seven series sa Biyernes sa Phoenix.

Umabante ang Suns ng 3 points papasok sa fourth quarter, subalit nagmintis sila sa kanilang unang siyam na tira sa final period. Kinuha ng Denver ang 78-73 lead sa dalawang 3-pointers mula kay Caldwell-Pope at isang short jumper kay Murray.

Binasag ni Durant ang katahimikan sa isang fadeaway at driving layup upang tapyasin ang deficit sa isang puntos, may 7:36 ang nalalabi.

76ers 119, Celtics 115

Napantayan ni James Harden ang kanyang career playoff high sa pagkamada ng 45 points upang tulungan ang bisitang Philadelphia 76ers na pataubin ang Boston Celtics sa Game 1 ng Eastern Conference semifinals.

Naipasok ni Harden ang 17 sa kanyang 30 field-goal attempts, kabilang ang 7 of 14 mula sa 3-point arc. Ito ang 10th playoff game kung saan umiskor si Harden ng hindi bababa sa 40 points.

Isang 3-pointer ni Harden, may 8.4 segundo ang nalalabi, ang nagbigay sa third-seeded 76ers ng 117-115 lead. Tinawagan si Jayson Tatum ng foul sa sumunod na possession, at pagkatapos ay tinuldukan ni Paul Reed ang scoring sa pagsalpak ng dalawang free throws, may 4.6 segundo ang nalalabi.

Tinapos ng Philadelphia ang laro sa 12-4 run.

Naglaro ang 76ers na wala si Joel Embiid, na nagtamo ng sprained LCL sa kanyang kanang tuhod sa Game 3 ng first-round sweep ng Philadelphia sa Brooklyn. Nanguna si Embiid sa NBA na may average na 33.1 points per game sa regular season.

Pinangunahan ni Tatum ang second-seeded Celtics na may 39 points at 11 rebounds. Nakakuha ang Boston ng 23 points mula kay Jaylen Brown, at 20 kay Malcolm Brogdon.

Nagdagdag si Tyrese Maxey ng 26 points para sa 76ers, na nakakuha ng 10 points at 13 rebounds mula kay Reed.

Naipasok ng Celtics ang 17 sa kanilang 18 free-throw attempts. Ang Philadelphia ay 12-for-12 mula sa free-throw line.

Nakatakda ang Game 2 ng best-of-seven series sa Miyerkoles ng gabi sa Boston.