(Nuggets binomba) RED-HOT ROCKETS

rockets

NAGBUHOS si James Harden ng 32 points, nagdagdag si Clint Capela ng career-high 31 at ginapi ng Houston Rockets ang Denver Nuggets, 125-113, noong Lunes ng gabi sa Houston.

Nagtala si P.J. Tucker ng career best  na may pitong 3-pointers at umiskor ng season-high 21 points upang tulungan ang ­Houston  na magwagi sa ika-12 pagkakataon sa 14 games. Gumawa si Capela ng 19 points sa halftime at pinasahan siya nang pinasahan ni Harden nang ma-double-team siya ng Denver sa 3-point area.

Tumipa si Gerald Green ng 21 points, kabilang ang anim na tres sa gabing gumawa ang ­Houston ng 22 para sa ika-6 na laro nito ngayong season na may hindi bababa sa 20.

Umiskor si Nikola Jokic ng 24 points para sa Nuggets,  na naputol ang five-game winning streak.

Nagtala si Harden ng 14 assists, anim na 3-pointers at gumawa ng hindi bababa sa 30 points sa ika-13 sunod na laro.

LAKERS 107,

MAVERICKS 97

Sa Dallas, tumirada si Brandon Ingram ng 29 points  at nagdagdag si Lonzo Ball ng 21 nang hiyain ng Los Angeles Lakers ang Dallas Mavericks sa home.

Nagwagi ang Lakers sa ikalawang pagkakataon pa lamang sa pitong laro magmula nang magtamo si LeBron James ng groin injury noong Christmas Day, at winalis nila ang season series sa Mavericks, 3-0.

Kumamada si Luka Doncic ng 27 points upang pangunahan ang Dallas na bumagsak sa 16-4 sa home. Ang Mavericks ay sumalang sa laro na tabla sa pinakakaunting home losses sa NBA.

TRAIL BLAZERS 111, KNICKS 101

Sa Portland, nakalikom si Jusuf Nurkic ng 20 points para sa kanyang ika-4 na sunod na laro na may 20  o higit pang puntos upang pagbidahan ang Portland kontra New York.

Nagdagdag si Damian Lillard ng 17 points at 9 assists para sa  Portland, na nanalo ng apat sa lima. Gumawa rin si CJ McCollum ng 17 points.

Tumipa si Enes Kanter ng 18 points at 14 rebounds mula sa bench para sa kanyang ikatlong sunod na double-double para sa Knicks,  na natalo ng siyam sa 10.

BUCKS 114,

JAZZ 102

Sa  Milwaukee, nagpasabog si Giannis Antetokounmpo ng 30 points at nagposte si Malcolm Brogdon ng 21 upang pangunahan ang Milwaukee laban sa  Utah.

Nagdagdag si Thon Maker ng season-high 15 points mula sa bench para sa Bucks, na galing sa talo sa Toronto noong Sabado ng gabi. Umangat ang  Milwaukee sa 28-11, ang second-best record sa NBA.

CELTICS 116,

NETS 95

Sa Boston, nagbalik si Kyrie Irving makaraang lumiban ng dalawang laro dahil sa eye injury at kumana ng 17 points upang pangunahan ang walong players sa double figures nang igupo ng Boston ang Brooklyn.

Nag-ambag si Jayson Tatum ng 16 points para sa Celtics, na nanalo ng tatlong sunod.

Nanguna  si Rodions Kurucs para sa Nets na may 24 points.

Sa iba pang laro ay pinataob ng Spurs ang Pistons, 119-107; dinispatsa ng Kings ang Magic, 111-95 at ibinasura ng Pelicans ang Grizzlies, 114-95.

Comments are closed.