UMISKOR si Nikola Jokic ng 37 points, naitala ni Monte Morris ang 19 sa kanyang 24 points sa second half at dinispatsa ng host Denver Nuggets ang Golden State Warriors, 126-121, upang mapigilan ang sweep sa Western Conference first-round series.
Tumipa si Aaron Gordon ng 21 points, kumabig si Bones Hyland ng 15 at nag-ambag si DeMarcus Cousins ng 10 para sa Denver, na naghahabol sa series sa 3-1. Nakatakda ang Game 5 sa Golden State sa Miyerkoles ng gabi.
Naiposte ni Steph Curry ang 15 sa kanyang 33 points sa fourth quarter. Kumubra si Klay Thompson ng 32 points, nagdagdag si Andrew Wiggins ng 20, tumapos si Draymond Green na may 13 points, 11 rebounds at 6 assists bago na-foul out at umiskor si Jordan Poole ng 11 para sa Warriors.
Abante ang Nuggets sa 113-103, may anim na minuto ang nalalabi nang bumanat ang Golden State ng 18-6 run upang kunin ang kanilang unang kalamangan magmula sa first quarter. Subalit naitabla ito ni Jokic sa pamamagitan ng layup, na nagsindi sa 7-0 game-ending spurt para sa Denver.
Bucks 119,
Bulls 95
Nagbuhos si Grayson Allen ng 27 points mula sa bench sa loob ng 28 minuto, umiskor si Giannis Antetokounmpo ng 32 at nakumpleto ng Milwaukee ang two-game road sweep sa Chicago sa dominanteng panalo sa Game 4 ng kanilang Eastern Conference playoff series.
Tangan ng third-seeded Bucks, nagwagi ng 15 sa kanilang huling 17 first-round playoff games, ang 3-1 series lead at tatangkaing tapusin ang best-of-seven series sa Miyerkoles ng gabi sa Milwaukee. Bumuslo si Allen ng 10-for-12 overall at 6-for-7 sa 3-pointers tungo sa kanyang ikalawang sunod na postseason career-high.
Tumapos si DeMar DeRozan na may 23points para sa Chicago, habang pawang nagtala sina Zach LaVine (24 points, 13 assists), Patrick Williams (20 points, 10 rebounds) at Nikola Vucevic (11 points, 10 rebounds) ng double-doubles. Ang Bulls ay hindi pa naghabol para manalo sa isang playoff series makaraang maharap sa 3-1 deficit.
Heat 110,
Hawks 86
Kumana si Jimmy Butler ng 36 points, 10 rebounds, 4 assists at 4 steals nang gapiin ng Miami ang host Atlanta upang kunin ang 3-1 series lead sa kanilang first-round Eastern Conference playoff series.
Maaaring tapusin ng Heat ang serye sa Martes ng gabi sa Miami. Gumawa si Heat star Tyler Herro ng tatlong puntos lamang sa 1-for-8 shooting subalit nakakuha ang Heat ng tig-14 points kina P.J. Tucker at Bam Adebayo.
Naging tahimik ang gabi ni Hawks star Trae Young, na nangunguna sa NBA ngayong season sa total points at assists. Tumapos si , Young na may 9 points at 5 assists, at tinawagan ng limang turnovers. Bumuslo lamang siya ng 3-of-11 mula sa floor, kabilang ang 3-of-10 sa 3-pointers. Ang Hawks ay pinangunahan ni De’Andre Hunter, na umiskor ng 24 points sa 9-for-13 shooting, kabilang ang 4-of-6 sa 3-pointers.
Pelicans 118,
Suns 103
Tumirada si Brandon Ingram ng 30 points at nagdagdag si Jonas Valanciunas ng 26 points at 15 rebounds nang pataubin ng host New Orleans ang Phoenix upang ipatas ang kanilang first-round playoff series sa 2-2.
Nakatakda ang Game 5 sa Martes sa Phoenix. Tumipa si Ingram ng 16 points at na-outscore ng Pelicans ang Suns, 35-23, sa third quarter. Tumapos si Valanciunas na may career playoff high sa points, kumabig si CJ McCollum ng 18 at nag-ambag si Herbert Jones Jr. ng 13.
Nakakolekta si Deandre Ayton ng 23 points, kumubra si JaVale McGee ng 14, nagposte si Cameron Johnson ng 13 at kumamada si Jae Crowder ng 11 upang pangunahan ang top-seeded Suns. Ang Suns ay naglaro na wala pa rin si leading scorer Devin Booker, na nagtamo ng hamstring injury sa Game 2.