NUGGETS INAPULA ANG BLAZERS

UMISKOR si Nikola Jokic ng 29 points, nakalikom si Jamal Murray ng 21 points at 10 assists, at nag-init ang host Denver Nuggets sa fourth quarter upang dispatsahin ang Portland Trail Blazers, 112-103, noong Linggo ng gabi.

Tumipa sina Peyton Watson, Aaron Gordon at Michael Porter Jr. ng tig-12 points at nag-ambag si Kentavious Caldwell-Pope ng 11 bago inilabas dahil sa mistulang injury sa kanyang right hamstring.

Nagbuhos si Deandre Ayton ng season-high 27 points at kumalawit ng 9 rebounds, kumabig si Anfernee Simons ng 26 points at 9 assists, tumapos si Scoot Henderson na may 14 points at nagdagdag si Toumani Camara ng 10 points para sa short-handed Portland.

Naglaro ang Blazers na wala si guard Malcolm Brogdon dahil sa right knee contusion. Hindi rin nakasama ng Portland sina Jerami Grant at Shaedon Sharpe sa maraming laro.

Abante ang Blazers sa maraming bahagi ng laro ngunit natameme sa huling 4:17 ng third quarter. Na-split ni Matisse Thybulle ang pares ng free throws na nagbigay sa Portland ng 84-75 benthe, ngunit nagmintis sa kanilang huling walong tira sa period at gumawa ng tatlong turnovers.

Jazz 123, Bucks 108

Nakakolekta si Lauri Markkanen ng 21 points upang tulungan ang Utah Jazz na putulin ang three-game losing skid at malusutan ang 19-point deficit sa panalo kontra Milwaukee Bucks sa Salt Lake City.

Nag-ambag si Keyonte George ng 19 points at  10 rebounds, tumabo si Collin Sexton ng 19 points, nagdagdag si John Collins ng 15 points at 10 rebounds, at pitong Jazz players ang nagposte ng double figures sa scoring sa panalo.

Nalamangan ang Utah ng 14 points, may 11 minuto ang nalalabi, bago na-outscore ang Milwaukee, 40-13, sa fourth-quarter rally.

Nanguna si Giannis Antetokounmpo sa lahat ng scorers na may 33 points, nagbigay ng 13 assists at kumalawit ng 7 rebounds para sa Bucks.

Nagtala si Bobby Portis ng 27 points at 7 rebounds, subalit naipasok ni Damian Lillard ang 5 of 18 shots lamang tungo sa 12-point outing. Naglaro ang Bucks na wala sina regular starters Brook Lopez (personal) at  Khris Middleton (knee).

Na-outrebound ng Jazz ang Bucks, 52-32, na-outscore ang bisita, 50-30, sa paint at tangan ang decisive 55-14 advantage sa bench scoring.

Thunder 135, Raptors 127

Kumana si Shai Gilgeous-Alexander ng 23 points at napantayan ang career-high na 14 assists at nakahabol ang Oklahoma City Thunder mula sa 23-point second-half deficit upang ibasura ang Toronto Raptors sa double overtime.

Kinuyog ng Toronto si Gilgeous-Alexander, na pumasok sa laro na may 30 o higit pang puntos sa siyam na sunod na laro.

Subalit sa double overtime ay ginamit ni Gilgeous-Alexander ang dagdag na atensiyon sa kanyang bentahe.

Nagbigay ng assists si Gilgeous-Alexander sa tatlong  3-pointers sa ikalawang overtime, ang pinakamalaki ay nang ipasa niya ang bola kay Aaron Wiggins para sa corner three, may 1:39 ang nalalabi upang bigyan ang Thunder ng 130-123 kalamangan.

Isinalpak ng Thunder ang 23 3-pointers upang pantayan ang franchise record. Bumuslo rin ang Oklahoma City ng 23 3-points noong April 2019 sa Milwaukee.

Nanguna si Josh Giddey para sa Oklahoma City na may 24 points habang nagdagdag sina Luguentz Dort at Chet Holmgren ng tig-22.

Ang panalo ay ikatlong sunod at ika-8 sa 10 games ng  Thunder habang nalasap ng Toronto ang ika-7 kabiguan sa walong laro.