IPINAGPAG ni Denver’s NBA Most Valuable Player Nikola Jokic ang mabagal na simula upang magposte ng 27-point triple-double at tulungan ang Nuggets na gapiin ang New Orleans Pelicans, 132-129, sa overtime.
Nagdagdag si Jokic, kinuha ang kanyang ikatlong MVP sa loob ng apat na taon noong nakaraang season, ng 13 rebounds at 10 assists.
Subalit nalusutan ng Serb star, na nalimitahan sa anim na puntos sa first half, ang isa pang mabagal na simula para sa Denver — na nalamangan ng hanggang 17 sa third quarter.
Kinuha nila ang 111-109 lead sa layup ni Julian Strawther, may 4:37 ang nalalabi sa regulation.
Ibinalik ni CJ McCollum ang New Orleans sa trangko, 119-117, may 53.2 segundo ang nalalabi sa fourth, subalit isinalpak ni Denver guard Jamal Murray ang isang step-back basket, may siyam na segundo sa orasan, upang itabla ang talaan sa 119-119, at nagmintis si McCollum sa isang three-pointer upang mauwi ang laro sa overtime.
Nanguna si Jokic sa extra session, kung saan naitala niya ang unang anim na puntos ng Denver at ipinalasap sa Pelicans ang kanilang ika-7 sunod na pagkatalo.
“Seems like we just like it that way,” pahayag ni Jokic hinggil sa late heroics na kinakailangan ng Nuggets, subalit idinagdag na: “We should be more hungry.”
Umiskor din si Murray ng 27 points para sa Denver, at nagdagdag si Russell Westbrook ng 21 mula sa bench. Nanguna si Jordan Hawkins sa scoring para sa New Orleans na may 25 points at gumawa si McCollum ng 24.
Sa iba pang laro, naitala ng Indiana Pacers ang kanilang ika-4 na sunod na panalo sa impressive style, umalagwa sa second half upang gapiin ang Kings, 122-95, sa Sacramento.
Kumamada si Pascal Siakam ng double-double na 19 points at 10 rebounds at nagbuhos ang Pacers ng 70 points sa second half ng dominant victory kung saan pitong Indiana players ang umiskor sa double figures.
Kumabig si Myles Turner ng 15 points, nagdagdag sina star guard Tyrese Haliburton at reserve Ben Sheppard ng tig-14 apiece at nag-ambag si T.J. McConnell ng 12 points at 10 assists mula sa bench.
“We brought it from start to finish,” sabi ni Sheppard. “The energy we brought, both the bench and the starters, it was a great team win.”
Nagposte si point guard De’Aaron Fox ng 23 points upang pangunahan ang Kings, at nagdagdag si Domantas Sabonis ng 17 points at 21 rebounds.
Sa Toronto, binura ng Houston Rockets ang 16-point first-half deficit upang gapiin ang Raptors, 114-110.
Umiskor si Dillon Brooks ng 27 points at nagdagdag si Jalen Green ng 22 para sa Houston, na nalimitahan ang Raptors sa five-of-15 shooting sa fourth quarter upang selyuhan ang laro.
Tumabo si Alperen Sengun ng 17 points at kumalawit ng 10 rebounds para sa Houston, na na-outscore ang Toronto, 33-26, sa third quarter upang kunin ang one-point lead papasok sa fourth.
Pinalobo ng Rockets ang kalamangan sa hanggang 11, subalit tinapyas ng Raptors ang deficit sa tatlo sa dunk ni Ochai Agbaji, may 22.7 segundo ang nalalabi.
Gayunman ay hindi na nakalapit pa ang Toronto, at sinelyuhan ni Brooks ang panalo sa isang free throw.