IPINOSTE ni Nikola Jokic ang kanyang ika-25 triple-double sa season upang pangunahan ang Denver Nuggets sa 142-110 panalo laban sa bisitang Atlanta Hawks nitong Linggo.
Tumapos si Jokic na may 19 points, 14 rebounds at 11 assists, habang umiskor si Kentavious Caldwell-Pope ng game-high 24 points at nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 20 para sa Nuggets, na nanalo sa tatlo sa kanilang huling apat na laro at umangat ng kalahating laro sa second-place Minnesota Timberwolves sa Western Conference.
Gumawa si Reggie Jackson ng 18 mula sa bench, tumipa si Jamal Murray ng 16 at nag-ambag si Peyton Watson ng 13 para sa Denver.
Nanguna si Clint Capela para sa Hawks na may 19 points at 12 rebounds, habang umiskor sina De’Andre Hunter at Bogdan Bogdanovic ng tig- 18. Nakalikom si Jalen Johnson ng 17 points para sa Atlanta, na nalasap ang ikalawang sunod na kabiguan at hawak ang final play-in spot sa Eastern Conference. Tumabo si Dejounte Murray ng 14, habang tumapos si Garrison Mathews na may 11.
Lakers 116,
Cavaliers 97
Nagbuhos si D’Angelo Russell ng game-high 28 points at ginamit ng host Los Angeles ang 19-0 third-quarter run upang maitakas ang panalo kontra Cleveland.
Nagtala ng double-doubles sina LeBron James (24 points, 12 assists) at Anthony Davis (22 points, 13 rebounds) para sa Los Angeles, na nagwagi sa ika-9 na pagkakataon sa kanilang nakalipas na 10 laro. Nag-ambag si Taurean Prince ng 18 points.
Nanguna si Darius Garland para sa Cleveland na may 26 points. Nagdagdag si Caris LeVert ng 21 points at 7 boards, at tumapos si Jarrett Allen na may 12 points at 12 rebounds. Umiskor din si Georges Niang ng 12 points.
Nets 113,
Pistons 103
Humataw si Cam Thomas ng game-high 32 points upang pangunahan ang comeback victory ng Brooklyn kontra Detroit para sa kanilang ika-5 panalo sa pitong laro.
Umiskor si Dennis Schroder ng 24 points at nagdagdag si Noah Clowney ng 17 para sa Brooklyn, na nalamangan ng 15, may 7:49 ang nalalabi sa fourth quarter subalit humabol upang kunin ang 104-103 lead, may 2:54 ang nalalabi matapos ang 3-pointer ni Schroder. Ito ang unang kalamangan ng Brooklyn matapos ang 3-2.
Umiskor si Chimezie Metu ng 20 points at nagdagdag si Marcus Sasser ng 18 para sa Detroit. Tumapos si Jaden Ivey na may 16 points at 10 assists.
76ers 116,
Grizzlies 96
Nagtala si Joel Embiid ng double-double sa halftime at tumapos na may game highs na 30 points at 12 rebounds at kumarera ang Philadelphia sa kanilang ika-4 na sunod na panalo sa pagbasura sa host Memphis.
Mainit na tinapos ni Embiid ang first half sa pagkamada ng 9 points sa huling 1:52. Nagtungo siya sa locker room na may 22 points at 10 rebounds, at pinalobo ng Philadelphia ang 11-point sa 20, 62-42, sa pananalasa ni Embiid.
Nagtala si Scotty Pippen Jr. ng career-high 24 points upang pangunahan ang Grizzlies.