NAGBUHOS si Nikola Jokic ng 34 points, 21 rebounds at 14 assists, umiskor si Jamal Murray ng 31 points at dinispatsa ng host Denver Nuggets ang Los Angeles Lakers, 132-126, sa Game 1 ng Western Conference finals noong Martes ng gabi.
Nag-ambag si Kentavious Caldwell-Pope ng 21 points, tumipa si Bruce Brown ng 16, nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 15 points at 10 rebounds at tumapos si Aaron Gordon na may 12 points para sa Nuggets.
Ang Game 2 ng best-of-seven series ay nakatakda sa Huwebes ng gabi sa Denver.
Tumabo si Anthony Davis ng 40 points at 10 rebounds, tumapos si LeBron James na may 26 points, 12 rebounds at 9 assists, umiskor si Austin Reaves ng 23 at nagtala si Rui Hachimura ng 17 points para sa Lakers.
Naghabol ang Los Angeles ng 21 points sa third quarter at nakadikit sa 3 points ng tatlong beses sa huling apat na minuto. Sumagot ang Denver sa pagkamada ng mga sumunod na puntos sa bawat pagkakataon.
Sinimulan ng Lakers ang fourth sa 8-2 run upang makalapit sa 108-100, may 10:10 ang nalalabi.
Nagsalpak sina Porter at Jeff Green ng 3-pointers at umiskor si Murray sa magkasunod na possessions upang ilagay ang talaan sa 118-104.
Nakalapit ang Los Angeles sa 124-118, may 3:53 ang nalalabi, at isang turnover ng Nuggets ang nagresulta sa 3-pointer ni Reaves na nagtapyas sa kalamangan sa tatlo. Naibalik ng Denver ang anim na puntos na bentahe subalit isa pang 3-pointer ni Reaves ang naglagay sa talaan sa 127-124, may 2:18 ang nalalabi.
May tsansa si James na itabla ang iskor, may 45 segundo ang nalalabi, ngunit nagmintis sa isang 3-point attempt, at sinelyuhan ni Jokic ang panalo sa line.
Ginamit ng Denver ang 36-13 edge sa rebounding upang itarak ang 72-54 lead sa halftime. Kumalawit si Jokic ng 12 rebounds sa first quarter at tumapos na may 16 sa half na sinamahan ng 19 points at 7 assists.
Isinalpak ni Murray ang pares ng 3-pointers sa simula ng third, na nagbigay sa Nuggets ng 78-58 kalamangan. Naitala ni Jokic ang kanyang triple-double nang pasahan niya si Caldwell-Pope para sa floating jumper sa kalagitnaan ng third quarter.
Ito ang kanyang 12th postseason triple-double, ang pinakamarami ng isang center sa kasaysayan ng NBA.
Binigyan ni Jokic ang Nuggets ng 93-72 kalamangan sa pamamagitan ng 3-pointer at pinasahan si Caldwell-Pope para sa isa pa bago matikas na tinapos ng Los Angeles ang third. Bumanat ang Lakers ng 16-7 run, subalit isinalpak ni Jokic ang isang 28-footer sa quarter buzzer upang palobohin ang kalamangan sa 14 points papasok sa fourth.