NUGGETS, PACERS TUMABLA SA 2-2

TUMAPOS si Nikola Jokic na may 35 points, 7  rebounds at 7 assists upang pangunahan ang Denver Nuggets sa 115-107 panalo laban sa  Minnesota Timberwolves sa Game 4 ng Western Conference semifinal series sa Minneapolis noong Linggo ng gabi.

Umiskor si Aaron Gordon ng  27 points sa 11-for-12 shooting para sa Denver, na naitala ang best-of-seven series sa 2-2. Nagtala si Jamal Murray ng 19 points sa 8-for-17 shooting at nag-ambag si Christian Braun ng 11 points mula sa bench.

Nanguna si Anthony Edwards sa lahat ng scorers na may 44 points sa 16-for-25 shooting para sa Minnesota. Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng  13 points at 12 rebounds at kumabig si Rudy Gobert ng 11 points at  14 rebounds.

Bumuslo ang Denver ng  57 percent (45 of 79) mula sa field at 44.8 percent (13 of 29) mula sa arc. Kumonekta ang Minnesota ng 47.6 percent (39 of 82) overall at 39.3 percent (11 of 28) mula sa 3-point range.

Naghabol ang Timberwolves sa buong second half subalit nagpakawala ng 8-2 run upang makalapit sa 6 points sa  final minute. Tinampukan ni Mike Conley ang run sa pares ng free throws upang tapyasin ang  deficit sa 113-107, may 28.3 segundo ang nalalabi. Nag-udyok ito ng timeout ni Denver coach Michael Malone.

Nag-drive si Jokic para sa layup sa sumunod na possession upang palobohin ang kalamangan sa 8 points.

Nagmintis si Conley sa 3-pointer sa sumunod na possession, at nag-dribble si Jokic habang paubos ang oras upang selyuhan ang panalo para sa  Nuggets.

Pacers 121, Knicks 89

Umiskor si Tyrese Haliburton ng 20 points at dinispatsa ng Indiana Pacers ang New York Knicks sa Indianapolis upang itabla ang kanilang Eastern Conference semifinal series sa 2-2.

Sumakay ang sixth-seeded Pacers sa mainit na simula tungo sa pagtala ng kanilang ikalawang sunod na panalo sa kabuuan at ika-10 sunod sa home mula pa sa  regular season.

Nakatakda ang Game 5 ng best-of-seven series sa Martes sa New York.

Nakakolekta si Indiana’s T.J. McConnell ng 15 points at  10 assists, umiskor sina dating Knicks draft pick Obi Toppin at  Pascal Siakam ng tig- 14 points at nagdagdag si Myles Turner ng 13.

Lumamang ang Pacers ng hanggang 23 points sa  first quarter at 30 patungo sa katapusan ng second.

“At the end of the day, we did our job and won both games at home,” sabi ni Haliburton. “Now going back to the Garden, we have to be prepared to go for 48 minutes when we get there.

“We just handled business from start to finish. I think it speaks to the maturation of this group that we’ve seen all year.”

Bumuslo ang Indiana ng 56.8 percent mula sa floor (50 of 88) at 45.2 percent mula sa 3-point range (14 of 31), habang tangan ang 60-40 edge sa points sa paint. Samantala, naipasok lamang ng second-seeded New York ang 7 sa 37 attempts mula sa  arc (18.9 percent).