NUGGETS PINALAMIG ANG HEAT

Nikola Jokic

MUNTIK nang maitala ni Nikola Jokic ang kanyang ika-21 triple double sa season nang pangunahan ang Denver Nuggets sa 112-108 road victory kontra Miami Heat nitong Lunes.

Tumapos si two-time NBA MVP Jokic na may 27 points, 12 rebounds at 8 assists at napalobo ng Denver ang kanilang lead sa ibabaw ng Western Conference sa limang laro.

Naghabol ang Denver, umangat sa 40-18, ng 9 points matapos ang shaky first quarter subalit bumawi sa second para ma-outscore ang Miami, 38-26, para sa 65-62 kalamangan sa break.

Hinawakan ng Nuggets ang kalamangan sa malaking bahagi ng second half at bagaman nakalapit ang Miami sa tatlong puntos sa final minute, kumapit ang Denver para sa panalo.

Bagaman pinangunahan ni Jokic ang scoring, ang balanced offense ng Denver ay nagresulta sa pagkamada ng pitong players nito ng double figures at pagbibigay ng 34 assists sa pagitan ng mga ito.

Umiskor si Michael Porter Jr. ng 17 points habang nag-ambag si Bruce Brown ng 16.

“I think we like to play for each other,” sabi ni Jokic . “We try to find open guys and we’re just going to work for the best shot possible.”

“The team buys into that and that’s why I think we have so many assists,” anang Serbian star.

Nanguna si Jimmy Butler para sa Miami na may 24 points, 10 rebounds at 9 assists habang nag-ambag sina Max Strus ng 23 points at Bam Adebayo ng 19.