NUGGETS PINISAK ANG WARRIORS

NUGGETS vs Warriors

TUMAPOS si Nikola Jokic na may 23 points, 14 rebounds at 10 assists, habang nag-ambag si Jamal Murray ng 17 points at 9 rebounds nang dispatsahin ng host Denver Nuggets ang Golden State Warriors, 114-104, noong Huwebes ng gabi.

Tumipa si Will Barton ng 17 points, gumawa si JaMychal Green ng 15 points at 9 rebounds, at nagdagdag sina Paul Millsap ng 12, Monte Morris ng 11 at PJ Dozier ng 10 points para sa Denver.

Ang Nuggets ay naglaro na wala ang kanilang dalawang starters na sina Michael Porter Jr. (COVID-19) at  Gary Harris (personal reasons).

Umiskor si Stephen Curry ng  game-high 35 points at nagdagdag ng  11 rebounds, nagposte si James Wiseman ng 18, at nagdagdag sina Andrew Wiggins ng 16 at Kelly Oubre Jr. ng 14 para sa Warriors.

ROCKETS 109, SPURS 105

Nakalikom si Christian Wood ng 27 points at 15 rebounds upang pangunahan ang short-handed Houston Rockets sa panalo laban sa  host San Antonio Spurs on Thursday.

Ito ang unang laro ng Houston magmula nang dalhin si star guard James Harden sa Brooklyn Nets bilang bahagi ng four-team trade na isinapinal noong Huwebes ng umaga.

Wala sa mga player na dinala sa  Rockets sa trade — Victor Oladipo (mula sa Indiana Pacers), Dante Exum (mula sa Cleveland Cavaliers), at  Rodions Kurucs (mula sa Brooklyn Nets) — ang naka-uniform noong Huwebes, dahilan para mapilitan ang Houston na magpasok ng makeshift lineup.

PACERS 111, BLAZERS 87

Nabalian ng kanang wrist si Portland center Jusuf Nurkic sa 111-87 pagkatalo ng Trail Blazers sa bisitang Indiana Pacers.

Si Nurkic ay na-injure, may 8:29 ang nalalabi sa third quarter, makaraang bumagsak sa sahig matapos i-challenge ang isang  dunk attempt. Tumapos siya na may 5 points at 8 rebounds sa loob ng 21 minuto.

“It’s very disappointing for him and for us,” wika ni Trail Blazers coach Terry Stotts sa postgame.

Si Nurkic ay hindi naglaro sa malaking bahagi ng 2019-20 regular season makaraang magtamo ng compound fractures sa kanyang left tibia at fibula noong Marso 2019. Nagbalik siya para maglaro sa 13 games, kabilang ang lima sa postseason, sa summer restart ng NBA makaraang matigil ang season dahil sa coronavirus pandemic.

RAPTORS 111, HORNETS 108

Napantayan ni reserve Chris Boucher ang kanyang career best na may 25 points at nagdagdag ng 10 rebounds upang tulungan ang host Toronto Raptors na mamayani sa  Charlotte Hornets,

Nag-ambag si Kyle Lowry  ng 16 points at 12 assists para sa Raptors na nanalo sa ikatlong pagkakataon sa 11 games ngayong season.

Kumamada si Fred VanVleet ng 17 points para sa Toronto at nag-ambag sina Pascal Siakam ng 15 points, OG Anunoby ng 13 points at Norman Powell ng 11.

Gumawa si Terry Rozier ng 22 points para sa Hornets at nagposte si P.J. Washington ng 20 points at 11 rebounds. Kumabig si Devonte’ Graham  ng 15 points, gumawa si LaMelo Ball ng 14 points at 11 assists, tumipa si Miles Bridges ng 12 points at nagdagdag sina Malik Monk at  Bismack Biyombo  ng tig-10 points.

Sa iba pang laro ay pinadapa ng Philadelphia 76ers ang Miami Heat, 125-108.

Comments are closed.