NAGBUHOS si Nikola Jokic ng 25 points, 19 rebounds at 6 assists, habang tumirada si Paul Millsap ng 24 points upang tulungan ang host Denver Nuggets na pulbusin ang Portland Trail Blazers, 124-98, sa Game 5 ng kanilang Western Conference semifinal series noong Martes ng gabi.
Nakakuha rin ang Denver, na nakopo ang 3-2 kalamangan sa best-of-seven series, ng 18 points at 9 assists mula kay Jamal Murray. Tumapos si Gary Harris na may 16 points, at umiskor sina Malik Beasley at Will Barton ng tig-10 points para sa Nuggets.
Nakatakda ang Game 6 sa Huwebes (Biyernes sa Manila) sa Portland, kung saan nanalo ang Nuggets noong Linggo sa Game 4 upang mabawi ang home-court advantage. Ang Game 7, kung kinakailangan, ay lalaruin sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Denver. Isa pang panalo ng Nuggets ang maghahatid sa kanila sa kanilang ika-4 na Western Conference finals at una sa loob ng 10 taon.
Tumipa si Damian Lillard ng 22 points para sa Portland, na nahaharap sa elimination game sa unang pagkakataon sa playoffs ngayong taon. Gumawa sina Rodney Hood at Zach Collins ng tig-14 points, at nagdagdag si CJ McCollum ng 12 points.
Hindi naghabol ang Nuggets sa buong laro kung saan lumamang ito ng hanggang 31 at na-outscore ang Portland, 62-40, sa second at third quarters.
Samantala, nagtala si Kawhi Leonard ng 21 points at humablot ng 13 rebounds nang gapiin ng Toronto Raptors ang bumibis-tang Philadelphia 76ers, 125-89, noong Martes ng gabi upang kunin ang 3-2 bentahe sa kanilang Eastern Conference semifinal series.
Maaaring kunin ng Raptors ang best-of-seven set sa panalo sa Game 6 sa Huwebes sa Philadelphia. Ang Game 7, kung kinakailangan, ay lalaruin sa Linggo (Lunes sa Manila) sa Toronto.
Tumipa si Pascal Siakam ng 25 points at 8 rebounds para sa Raptors. Nagdagdag si Kyle Lowry ng 19 points, gumawa si Danny Green ng 17 points, at nag-ambag sina Marc Gasol ng 11 at Serge Ibaka ng 10.
Nakalikom si Jimmy Butler ng 22 points at 7 assists para sa 76ers. Nagdagdag si Tobias Harris ng 15 points, kumamada si Joel Embiid ng 13 at nagposte si Mike Scott ng 10. Gumawa si Embiid ng game-high eight turnovers.
Nakontrol ng Raptors ang laro nang ma-outscore ang Sixers, 37-17, sa second quarter, at lumamang ang Toronto ng hanggang 22 points papasok sa fourth quarter.
Lumobo ang kalamangan sa 31 points nang maipasok ni Gasol ang isang 3-pointer, dalawang minute papasok sa fourth period.
Comments are closed.