NUGGETS, T-WOLVES, KNICKS, CAVS NAKAUNA

NAGBUHOS si Nikola Jokic ng 32 points at 12 rebounds, at sinimulan ng host Denver Nuggets ang kanilang NBA title defense sa 114-103 panalo laban sa Los Angeles Lakers sa Game 1 ng Western Conference first-round playoff series noong Sabado ng gabi.

Tumapos si Jamal Murray na may 22 points at 10 assists upang tulungan ang Denver sa kanilang ika-9 na sunod na panalo kontra Los Angeles at ika-5 sunod sa postseason. Nagdagdag si Michael Porter Jr. ng 19 points at nakakolekta si  Aaron Gordon ng 12 points at 11 rebounds para sa Nuggets.

Nakatakda ang Game 2 sa Lunes ng gabi sa Denver.

Nanguna si Anthony Davis para sa Lakers na may 32 points, 14 rebounds at 4 blocked shots, at nagdagdag  si LeBron James ng 27 points matapos ang tahimik na  fourth quarter. Si James ay hindi nagtangkang tumira sa  final period hanggang sa huling 1:20 at tumipa lanang ng 4 points sa huling 12 minuto.

Umiskor sina D’Angelo Russell at Austin Reaves ng tig-13 points, at nag-ambag si  Taurean Prince ng  11 points para sa Los Angeles.

Timberwolves 120, Suns 95

Nalusutan ni Anthony Edwards ang first-half foul trouble upang kumamada ng game-high 33 points at tulungan ang host Minnesota Timberwolves na pataubin ang Phoenix Suns sa Game 1 ng Western Conference first-round playoff series.

May 3:18 ang nalalabi bago ang intermission, si Edwards ay napilitang ilabas kasunod ng kanyang ikatlong foul.

Subalit mabilis siyang bumawi sa nawalang oras at nagpasabog ng 18 points sa third quarter upang tulungan ang Minnesota sa blowout win.

Naipasok ni Edwards ang 14 sa 24 tira mula sa field, kabilang ang 4 of 8 mula sa deep. Nagdagdag si Karl-Anthony Towns ng 19 points, kumabig si Nickeil Alexander-Walker ng 18 at nagposte si Rudy Gobert ng 14 points at 16 rebounds.

Nakakolekta si Kevin Durant ng  31 points at 7  boards para sa Suns, na nasa playoffs sa ika-4 na sunod na taon. Gumawa si Devin Booker ng 18 points at nag-ambag si Bradley Beal ng 15.

Gaganapin ang Game 2 sa Martes ng gabi sa Minneapolis.

Samantala, isinalpak ni Miles McBride ang tie-breaking basket, may 8:25 ang nalalabi, para sa host New York Knicks, na nasayang ang 14-point third-quarter lead bago bumawi upang gapiin ang Philadelphia 76ers, 111-104, sa Game 1 ng Eastern Conference first-round series.

Tumirada naman si Donovan Mitchell ng 30 points, nagposte si Jarrett Allen ng 16-point, 18-rebound double-double, at dinispatsa ng No. 4 seed Cleveland Cavaliers ang  Orlando Magic, 97-83, sa Gane 1 ng kanilang first-round series.