IPATUTUPAD muli ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o mas kilala sa tawag na ‘number coding scheme’ sa Lunes, Agosto 15.
Itinakda ang oras alas- 7:00 hanggang 10:00 ng umaga at 5:00 ng hapon hanggang 8:00 ng gabi.
Sa pahayag ng MMDA, nagdesisyon ang Metro Manila Council (MMC) na ibalik ang naturang ‘traffic reducing scheme’ dahil sa inaasahang pagbigat ng daloy ng mga sasakyan sa pagsisimula muli ng face to face classes sa Agosto 22.
Inaasahang mababawasan ang bilang ng mga sasakyan sa mga nabanggit na oras ng hanggang 20 porsiyento sa ‘peak hours’ sa umaga at hapon hanggang sa gabi.
Naitala bago ang pandemya na may 405,000 sasakyan ang bumabagtas sa EDSA at sa datos mula sa MMDA Traffic Engineering Center noong Agosto 4, may 387,000 sasakyan ang bumiyahe sa EDSA.
Inaasahan pang dadami ito sa 436,000 na mas mataas pa kumpara bago ang pandemya noong 2020.
Paliwanag ni MMDA acting Chairman Carlo Dimayuga, simula Agosto 15 hanggang Agosto 17 ang ‘dry run’ at paaalahanan lamang nila ang mga motorista.
Magsisimulang manghuli ang MMDA sa mga lalabag sa number coding sa Agosto 18. LIZA SORIANO