NUMBER CODING SA PROVINCIAL BUS NAUDLOT

Number Coding

IPINAGPALIBAN ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa mga provincial buses simula bukas (Mayo 10) hanggang Martes (Mayo 14) upang bigyan daan ang mga pasahero na makauwi sa kani-kanilang mga probinsiya upang makaboto sa darating na midterm elections na gaganapin sa Mayo 13 (Lunes).

Kasama rin sa naturang pagsususpinde ng number coding scheme ang mga lungsod ng Makati at Las Piñas.

Ito ay napag-alaman kay MMDA traffic czar Bong Nebrija na nag-abiso kahapon sa publiko upang tiyakin na mapabilis ang pag-uwi ng mga pasahero sa kanilang probinsya.

Dagdag pa ni Nebrija, sinisiguro rin ng naturang ahensya na may sapat na pampublikong transportasyon patungong probinsya ang mga ito hanggang sa kanilang pagbalik sa Metro Manila.

Inanunsiyo rin ng MMDA na kanila ring sinuspinde ang pagpapatupad ng number coding scheme para sa lahat ng PUVs at pribadong behikulo sa Metro Manila mismo sa darating na araw ng halalan sa Mayo 13 (Lunes) at muling ibabalik ang pagpapatupad nito sa Miyerkoles (Mayo 15).

Pinaalalahanan ni Nebrija ang mga provincial buses na bagkus sa pagpapaliban ng number coding scheme sa nabanggit na petsa ay mananatili pa rin ang pagbabawal ng pagsasakay at pagpapababa ng mga pasahero sa EDSA.

Kung kaya’t paalala ng MMDA sa mga provincial buses drivers na sumunod ang mga ito sa batas trapiko dahil huhulihin sila at papatawan ng multang P500 kapag nag-loading at nag-unloading  ng mga pasahero sa EDSA.              MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.