NUMBER CODING SUSPENDIDO

MMDA

SINUSPINDE ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Expanded Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa Oktubre 31 at Nobyembre 1.

Ang dalawang nabanggit na petsa ay kapwa deklaradong holiday bilang paggunita sa Undas.

Ayon sa MMDA, sa nasabing mga araw ang mga sasakyang may plakang nagtatapos sa 1 at 2 na sakop ng coding tuwing Lunes at 3 at 4 na sakop ng coding tuwing Martes ay maaaring bumiyahe sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Carlo Dimayuga III, magde-deploy ang ahensiya ng 1,500 na personnel upang magpatupad ng security measures at kaayusan sa darating na Undas.

Maglalagay rin ang MMDA ng public assistance centers na may tents at mga ambulansya sa limang major cemeteries sa Metro Manila: Manila North Cemetery, South Cemetery, Loyola Memorial Park, Bagbag Public Cemetery, at San Juan Public Cemetery.

Tututok naman ang Metrobase Command Center and Digital Media Group sa pagmonitor ng traffic situations, pagtugon sa public concerns, at pagbibigay ng real-time traffic updates.

Para sa anumang road emergency, tumawag sa MMDA Hotline 136.

Payo ng MMDA sa mga motorista sa paggunita ng Undas, planuhin ang biyahe at siguraduhing nasa maayos ang kondisyon ng mga sasakyan bago umalis. LIZA SORIANO