NANANATILING matatag ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) sa kabila ng dumaraming bilang ng kanilang mga tauhan na tinatamaan ng 2019 Coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Archie Francisco Gamboa, wala ni isang Regional Police Office sa bansa o maging mismo ang National Capital Region Police Office ang humingi sa National Headquarters sa Camp Crame ng karagdagang puwersa.
Sa ngayon, patuloy ang testing sa mga pulis na itinuturing na Person Under Investigation (PUI) at mga Person Under Monitoring (PUM) sa mga ikinasa nilang quarantine areas sa loob ng Kampo.
Ang PNP rin, ayon kay Gamboa ang inatasan ng National Task Force COVID-19 na pamahalaan ang itinalaga nitong quarantine facility sa Philippine International Convention Center (PICC).
Sa kasalukuyan, umakyat na sa 22 ang bilang ng mga pulis na nakumpirmang positibo sa COVID-19.
Ayon naman kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, 3 lalaking pulis na pawang nakadestino sa Metro Manila ang nadagdag sa listahan.
Dahil dito, mayroon nang 299 na pulis na itinuturing na PUI habang nasa 1,384 namang mga pulis ang Persons Under Monitoring (PUM).
Mayroon namang dalawang naka-recover sa nasabing virus habang nasa 40 ang mga pulis na kasalukuyang naka-self quarantine ngayon sa Kiangan Hall sa loob ng kampo. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.