NUMERO, SURVEYS, AT ANO ANG IPINAKIKITA NITO

Joe_take

ILANG araw na lamang ang hihintayin natin bago tayo tumungo sa mga voting precinct upang iboto ang mga kandidatong nais nating mamuno at mamahala sa ating bansa.

Ngunit bago pa man ang opisyal na botohan, tila nagsalita na ang taumbayan sa pamamagitan ng mga election survey na nagpapakitang si presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang ninanais ng mga taong mamuno sa ating bansa.

Magmula noong paghahain ng kandidatura noong nakaraang taon, nananatili ang pangalan ni BBM sa tuktok ng mga election survey na palagi namang sinusundan ni Bise Presidente Leni Robredo.

Ayon sa pinakahuling Pulse Asia survey na isinagawa mula Abril 16 hanggang 21, si BBM pa rin ang nananatiling nangunguna, samantalang nananatili rin si Robredo sa pangalawang puwesto. Ang survey ng Pulse Asia ay isinagawa sa 2,400 na respondents na edad 18 pataas.

Ang mga election survey ay tumutulong na ipakita ang agwat sa pagitan ng mga kandidato base sa preference ng mga surveyed participant. Sa loob ng ilang taon, dumepende ang mga bansa, negosyo, at indibidwal sa resulta ng mga ito na maaaring magbigay gabay sa kung sino nga ba ang malamang na mananalo sa eleksiyon.

Ayon sa political expert na si Edmund Tayao, ang mga resulta ng election survey mula pa noon ay consistent na sa resulta ng aktuwal na eleksiyon. At kung ibabase sa mga huling tala, maaari raw na manatili rin sa pangalawang pwesto sa halalan ang bise presidente.

Dagdag pa ni Tayao, ito ang kauna-unahang resulta ng survey kung saan nakamit ng isang kandidato ang tuloy-tuloy na 50 porsiyento ng preference rating.

Kung ating titingnan ang mga resulta noong mga nagdaang eleksiyon, palaging sinasalamin ng mga survey ang resulta ng bawat halalan.

Ngunit sa bandang huli, hindi ito nangangahulugan na resulta na rin ito ng aktwal na eleksiyon. Maaari pa ring magbago ang resulta sa araw ng halalan.

Ilang araw na lamang ang ating hihintayin bago natin makamit ang mga kasagutan sa tanong kung sino nga ba ang susunod na mamumuno ng ating bansa.

Gabay man ang mga election survey, ngunit hayaan natin ang publiko ang magdikta sa paghahalal sa mga kandidatong pinaniniwalaan nilang nararapat para sa puwesto sa ika-9 ng Mayo.

Sa ating pagboto, pinakamainam na isaisip natin ang kapakanan ng buong bansa—kung ang ating bawat boto nga ba ay para lamang sa ating kapakanan, o para ba sa kapakanan ng bawat isa.

Sa bandang huli, ang pagiging wais natin sa paghalal ang maglalagay sa ating bansa sa mas maayos na pamahalaan at magbibigay sa atin ng mas mainam na pamumuhay.