ILOILO – MASAKLAP ang sinapit ng isang nurse sa kanyang dalawang lalaking highschool batchmates makaraang makipag-inuman bilang bahagi ng kanilang reunion sa bayan ng Pototan.
Sinabi ni PO3 Raquel Cayton ng Pototan Municipal Police Station, isinailalim na sa medical examination ang biktimang itinago sa pangalang Anne.
Nagkayayaan umanong mag-inuman ang biktima, mga suspek at iba pa bilang reunion dahil matagal na silang hindi nagkikita.
Nang maubos na ang kanilang inumin, nagpahatid pa umano sa kanilang bahay ang isa sa mga suspek kung saan sumama rin ang biktima at doon na nangyari ang krimen.
Sinalaysay pa ng biktima na hinila umano siya ng suspek at hinubaran ng damit.
Tinangka pa ng biktima na humingi ng tulong ngunit kaagad siyang nawalan ng malay dahil sa sobrang kalasingan.
Nang magising at nalaman ang pangyayari ay tumakas si Anne sa pamamagitan ng pagdaan sa kisame saka humingi ng tulong sa mga taong nakasalubong. CAMILLE BOLOS