NURSE TINAMBANGAN NG TANDEM

riding in tandem

LAGUNA – BINAWIAN ng buhay habang isinusugod sa pagamutan ang 44-anyos na ginang at kasalukuyang nurse umano sa Calamba Doctors Hospital (CDH) matapos tambangan at pagbabarilin ng riding in tandem suspects habang lulan ito sa kanyang minamanehong Toyota Fortuner sa bahagi ng Brgy. Mayapa, Lungsod ng Calamba, kamaka­lawa ng gabi.

Ayon sa ulat ni Calamba City Chief of Police PLt. Col. Jacinto Malinao, nakilala ang biktimang si Arlene Molina Saludo, residente ng lungsod na ito.

Sinasabing nagtamo ng tama ng bala sa kanyang leeg at iba pang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na ikinamatay noon din.

Sa imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang naturang insidente habang aktong lulan sa kanyang minamanehong sasakyan ang biktima na may plakang AAD-2490 habang ang bunso nitong anak na lalaki ay naiwan sa isang barber shop malapit sa lugar.

Doon mismo sa lugar, sapul sa CCTV ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek nang isagawa ng mga ito ang pamamaril sa biktima.

Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi mabatid na lugar makaraan ang insidente na lingid sa pagkakaalam ng bunsong anak ng biktima.

Kaugnay nito, kasalukuyang nagsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang pulisya sa kaso kung ano ang tunay na motibo, agarang pagka-ka­kilanlan sa mga suspek at ang nasa likod ng krimen. DICK GARAY

Comments are closed.